MANILA, Philippines — Nagsumite kaninang umaga sa Sandiganbayan First Division ang abugado ni Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo ng motion for admission of bail sa kasong plunder kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo ng PCSO.
Ayon sa abogado nitong si Atty. Modesto Ticman, maliban sa kanilang argumento, walang matibay na ebidensiya ang prosekusyonlaban sa kanyang kliyente.
Kalakip din sa mosyon ang statement ng mga doktor ni Arroyo sa lumalang kundisyon nito sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Ayon sa rekomendasyon ng clinical psychologist na si Dr. Arnulfo Lopez, kailangan mailabas na sa VMMC si Arroyo dahil nagkakaroon na ng epekto ang matagal na hospital arrest sa psychological at behavioral well-being nito.
Nakakaranas na raw ito ng insomnia o hirap sa pagtulog, depression, mood swings at walang ganang kumain.
Dahil sa mga disorder na nararansan ni Arroyo, iginiit ng kanyang mga abogado na payagan siya ng korte na makapagpiyansya sa kasong plunder.
Samantala, humarap naman kanina si dating first gentleman Jose Miguel Arroyo sa pagdinig ng 5th Division sa kaso nitong plunder kaugnay naman ng PNP chopper deal.
Ipinahayag ng presidente ng Lion Air na si Archibal Po na ang dating first gentleman nga ang mayari ng dalawang segunda-manong helicopters na ibinenta sa PNP noong 2009 at 2010. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)