MANILA, Philippines — Matapos ideklara ng Korte Suprema na illegal ang Disbursement Acceleration Program o DAP ay dapat balik sa kaban ng bayan ang bilyon-bilyong pisong pondo na ginamit ditto.
Ito ang paniniwala ng isa sa mga sa mga naghain ng petisyon laban sa DAP na si Greco Belgica.
“Ngayon na illegal na ang DAP, dineclare na ng Supreme Court na illegal ang DAP. Dapat ibalik na yung ginamit sa illegal na DAP. Isauli na sa treasury. Pangalawa po, magsimula na ng thorough investigation ang COA at mag-umpisa na siyang mag-issue ng notice of disallowance at mag-imbestiga kung saan ginamit, saan nanggaling, kailan, sino ang gumamit nung mga perang sinabing illegal o yung DAP.”
Sa kanilang sagot sa mga petisyon sa Korte Suprema, sinabi ng palasyo na mahigit 149-billion pesos ang nailabas na pondo sa ilalim ng DAP mula 2011 hangang 2013.
Kabilang sa pinaggamitan nito ang rehabilitasyon ng PNP Crime Laboratory noong december 2011 na pinondohan ng mahigit 3.2 billion pesos. Galing din sa pondo ng DAP ang ipinambayad sa GSIS Premium ng mga guro noong September 2012 na nagkakahalaga ng mahigit 3.4 billion pesos.
Una na ring sinabi ng Malakañang na galing sa DAP ang karagdagang pork barrel na ibinigay sa mga senador matapos ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Samantala, bagamat naniniwala si Belgica na isang impeachable offense ang illegal na paggamit sa DAP, hindi umano siya interesado na ipatanggal sa pwesto si Pangulong Aquino.
“Unang-una, hindi ako interesadong i-impeach ang presidente dahil presidente natin yan eh. Kung may pagkakamali, itama, yung mga nagkamali, panagutin, pero hayaan mong makatapos ng termino siya”, ani Belgica. “Ang dapat umanong gawin ng gobyerno ay baguhin at itama ang sistema ng paggugol sa pondo ng bayan. Dapat na rin umanong matuto ang kongreso ng tamang pagba-budget sa pamamagitan nang tuluyang pag-alis sa pork barrel o discretionary funds.”
Dagdag pa nito, “It is high time for government na iayos na ang kanyang katayuan. Ibig sabihin, mag-sorry, magsauli, at panagutin kung sino ang mga sangkot para maka move on na ang bayan natin sa isyung ito, masimulan na ang proseso ng pag angat.” (Roderic Mendoza, UNTV News)