BAHIA, Brazil — Matapos ang mahigpit na labanan sa group of 16 stage elimination ng FIFA World Cup 2014, inaasahang mas lalong magiging kapana-panabik at mahigpit ang labanan ng mga koponang pumasok sa quarterfinals ng torneo.
Buo na ang walong teams na maglalaban sa quarterfinals ng World Cup na sisimulan sa Biyernes ng madaling araw, oras sa Pilipinas.
Ang koponan ng Belgium at Argentina ang dalawang huling umusad sa quarterfinal round. Tinalo ng Belgium ang United States at tiniklop ng Argentina ang Switzerland.
Unang maghaharap na koponan ang France kontra sa Germany na gaganapin sa Maracana Stadium sa Rio de Janeiro sa darating na Biyernes dito sa Brazil at Sabado naman sa Pilipinas.
Sa ganap na alas-singko naman ng hapon, maghaharap ang koponan ng Brazil kontra Columbia sa Castelao Stadium, Fortaleza kung saan mainit na pinag-uusapan ang paghaharap ng star player ng Brazil na si Neymar at ang star player ng Columbia na si James Rodriguez.
Sa July 5 naman, araw ng Sabado sa Brazil at July 6, linggo naman sa pilipinas ay maghaharap sa Estadio Nacional de Brasilia , Brasilia ang koponan nila Messi na Argentina kontra sa Belgium.
Maglalaban naman ang team ni Flying Dutchman Van Persie ng Netherlands kontra sa Costa Rica sa Arena Fonte Nova Salvador sa ganap na alas-singko ng hapon.
Kanya-kanya namang gimik ang ginagawa ng mga fans upang suportahan ang kanilang mga paboritong koponan.
Unti-unti ng nagpapakita ng lakas at galing ang mga beteranong koponan gaya ng Brazil, Germany, Netherlands at iba pa habang papahigpit na ang labanan upang makamit ang inaasam na tropeo at ang karangalan na matanghal na kampeon ng 2014 FIFA World Cup dito sa Brazil. (Chris Perez, UNTV News)