MANILA, Philippines — Naglabasan ang mga tao sa isang gusali sa Roxas Boulevard pasado alas-9:30 kahapon ng umaga, Miyerkules, matapos makarinig ng sirena.
Sa kuha ng UNTV drone, tila may sunog sa corporate building ng PAGCOR na katapat lang ng US embassy. Ilang minuto pa ay nagdatingan na rin ang iba pang bumbero upang apulain ang sunog.
Dumating din ang mga rescue unit mula sa iba’t-ibang lugar ng Metro Manila upang bigyang first aid ang mga sugatang empleyado.
Ilan lamang ang mga senaryong ito sa mga posibleng mangyari kung sakaling gagalaw ang west valley fault.
Bahagi ito ng earthquake drill na isinagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa iba’t-ibang lugar sa bansa bilang paghahanda sa lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, posible gumalaw ang west valley fault na may 7.2 magnitude na lindol na katumbas ng intensity 8 na lindol sa Metro Manila. Huling gumalaw ang west valley fault 356 years na ang nakalilipas.
“Parang sinasabi lang, in our lifetime baka gumalaw ito. So ang issue is dapat maghanda tayo at hindi tayo maunahan na mangyari man ang lindol na ito”, pahayag ni PHIVOLCS Director Renato Solidum.
Ayon sa PHIVOLCS, kung hindi mapaghahandaan ay malalagay sa panganib ang may 31 libong buhay sa Metro Manila lalo na kung mangyayari ito sa gabi.
Samantala, nag-akyatan naman ang mga tao sa isa pang building sa Roxas Boulevard matapos na tumunog at marinig ang bell. Hudyat ito ng paparating na tsunami mula sa Manila Bay. Bahagi rin ito ng drill kung gagalaw naman ang Manila Trench.
Sa pag-aaral ng PHIVOLCS, kung gagalaw ang Manila Trench, maaari itong maglabas ng 8.2 magnitude na lindol at magdulot ng hanggang 3 metrong tsunami at apawan ang Roxas Boulevard at posibleng abutin ang mga buiding sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Ang haba ng Manila Trench ay mula sa Mindoro hanggang sa Taiwan.
Sa pamamagitan ng drill na ito ay masusukat ng pamahalaan kung gaano kahanda ang isang lugar sakaling magkaroon ng sakuna.
Kaya’t pakiusap naman ng NDRRMC, sana’y huwag gawing biro ng mga tao ang drill sa lugar na pagdaraosan nito.
“Sa totoong insidente, segundo po ang pinaguusapan natin diyan, ang binibilang natin. Kung tayo po ay parang namamasyal sa buwan nung sinasabing ang senaryo ay guguho na yung building ay pagdating ng araw po wala po tayong ibang masisi kundi yung sarili natin”, saad ni NDRRMC Executive Director Usec. Alexander Pama.
Suhestyon naman ng PHIVOLCS na magsagawa rin ng paghahanda sa bawat tahanan.
“Gumawa ng evacuation plan sa bahay at saan sila mag-evacuate sa komunidad at isubmit sa teacher para ma-check kung tama kasi ngayon handa tayo sa eskwelahan pero hindi sa bahay”, ani Solidum. (Rey Pelayo, UNTV News)