EDMONTON, Canada — Sa kabila ng napapabalitang paglipat na ng chess federation ng pinakabatang Filipino Chess Grandmaster na si Wesley So, isang karangalan pa rin ang ibinigay niya sa ating bansa matapos na mag-second place siya sa 9th Edmonton Chess Tournament sa Alberta, Canada.
Pumangalawa si So kay Ukrainian Chess Grandmaster na si Vassily Ivanchuk.
Nakamit ni Ivanchuk ang kampeonato 9-game round robin ng talunin nya ang American Grandmaster na si Samuel Shankland sa final game para makuha ang score na 8 points.
“It’s a very nice feeling. It’s a big pleasure to be playing in Canada, especially in Edmonton”, saad ni Ivanchuk.
Ang pambato ng Pilipinas naman ay naka-ipon ng 7.5 points para sa second place. May anim na panalo at tatlong tabla si So para sa 2747.4 ratings at number 12 sa buong mundo.
Ayon sa batang chess grandmaster kahit hindi nakuha ang kampeonato nagpapasalamat pa rin siya sa buong suporta ng mga Pilipino sa kanya.
“I appreciate na sinusundan nila ang games ko. Sa mga nanonood, maraming salamat for keeping track and following my games”, wika ni So.
Nagbigay rin ng pahayag si So hinggil sa plano nitong paglipat ng American Chess Federation.
“Hinihintay ko pa rin ang response ng president ng National Chess Federation, Mr. Pichay. I’m confident that he will reply positively to my request.”
Matapos ang Edmonton Chess Tournament, susunod na sasalihan ni Wesley ay ang ACP Golden Classic International sa Bergamo, Italy na gaganapin sa July 12-20, 2014. Sa susunod na taon naman ay inaasahang maglalaro muli ang Filipino chess grandmaster sa naturang kompetisyon. (Marlon Cruz, UNTV News)