MANILA, Philippines — Ilang minuto lamang ang itinagal sa pagdinig ng Sandiganbayan 1st division sa mosyon ng Ombudsman na suspendihin sa kanyang tungkulin si Sen. Bong Revilla at binigyan lamang ng pagkakataon ang bawat panig na magkomentaryo.
Sa pagdinig kanina, binigyan ng korte ng 10 araw ang dipensa upang masumite ang komentaryo kaugnay ng nasabing mosyon. Pagkatapos nito, may limang araw naman ang prosekusyon upang sagutin ang komentaryo ng depensa saka maglalabas ng resolusyon ang korte sa pangunguna ni Justice Efren Dela Cruz.
Sa mosyon ng Ombudsman pinagbatayan nito ang nasa Republic Act 7080 Section 5, sinumang public official na nahaharap sa anumang criminal prosecution, pagkatapos na makakita ang korte ng matibay na ebidensya laban sa akusado ay nararapat na suspindihin sa kaniyang pananagutan bilang government official.
Samantala, hindi naman pinagbigyan ng korte ang mosyon na makapagpiyansa sina John Raymund De Asis na sinasabing driver ni Janeth Napoles at Ronald John Lim na pamangkin nito.
Isa sa naging basehan ng korte upang hindi pagbigyan ang mosyon ay ang pagtatago sa batas ng dalawa. Si De Asis at Lim ay kapwa co-accused ng mga senador sa kasong plunder at graft.
Kanina, humarap rin sa 1st division si Dennis Cunanan kasabay ng pagdinig sa kanyang mosyon upang payagan siyang lumabas ng bansa sa kabila nang nahaharap ito sa kasong graft kaugnay ng pork barrel scam.
Hindi pa nagdesisyon ang korte sa mosyon ni Cunanan at ito ay submitted for resolution na.
Hiling ni Cunanan na makalabas ng bansa ngayong Hulyo at Agosto upang dumalo sa Juniors Chamber International o JCI Conference sa July 7 to 15 sa Japan at sa July 20 to August 3 naman sa Amerika. (Grace Casin, UNTV News)