MANILA, Philippines — Makalipas ang 48 hours na ibinigay ng Philippine National Police kay PNP Custodial Center Chief P/Supt. Mario Malana upang magpaliwanag ay ni-relieve na siya sa kanyang pwesto.
Itoy dahil sa umanoy pagbibigay ng VIP treatment kina Sen. Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Nabalitang umabot ng hanggang ala-una ng madaling araw ang bisita ni Jinggoy noong weekend na dapat sana’y hanggang alas-tres lamang ng hapon.
Ayon kay PNP-Pio Chief P/C Supt. Reuben Theodore Sindac, may probable cause upang kasuhan ng administratibo si Malana, dahil sa less grave neglect of duty.
Ito ay dahil nabigo si Malana na ipaalam sa kanyang mga opisyal ang nangyayari sa loob ng kulungan.
“For failure to implement standing rules and regulations in the custodial service, as well as failure to comply specific legal instruction to inform higher headquarters on any ongoing or give updates on his unit”, ani Sindac.
Sinabi pa ni Sindac na kung mapatutunayang guilty si Malana sa nasabing kaso ay mahaharap ito sa isa hanggang dalawang buwang suspensyon.
“The penalty for less grave neglect of duty offense is suspension of not less than 30 days and maximum of not more than 59 days without pay and allowances.”
Sa kasalukuyan, si Malana ay nasa holding unit ng headquarters support service at pinalitan ito ni P/Supt. Peter Limbaoan.
Kaugnay ng balitang special treatment sa dalawang senador sa loob ng PNP Custodial Center, tiniyak ni Sindac na mas hinigpitan pa ang seguridad sa loob ng PNP Custodial Center lalo na sa pagpapatupad ng visiting hours. (Lea Ylagan, UNTV News)