MANILA, Philippines — Sumalang sa witness stand kanina ang isa sa mga testigo ng prosekusyon na si Atty. Vic Escalante Jr. ang field investigator prosecutor officer 1 ng Office of the Ombudsman.
Si Atty. Escalante ang leader ng kanilang grupo na nag-imbestiga sa kaso ni Senator Jinggoy Estrada kaungay sa PDAF scam.
Subalit bago pa man isalaysay ni Escalante ang kanyang nalalaman, hinarang na agad ito ng depensa dahil sa bulto-bultong dokumentong dala ng testigo na isa isang minarkahan sa pagdinig.
Ayon sa depensa, kung iisa-isahin nila ang napakaraming dokumentong dala ng witness ay tiyak na matatagalan sila bago matapos ang padinig.
Ayon kay Atty. Jose Flaminiano, abogado ni Estrada na ang bail hearing ay dapat na hindi magtagal dahil idedetermina lamang ng korte kung may grounds para payagan ang akusado na makapagpiyansa lalo na kung mapatutunayang hindi naman mabigat ang partisipasyon sa kaso ng mga akusado.
“Bail hearing lang ito. Dapat yung pinakamadaling procedure ang dapat sundin hindi yung magperesenta sila ng 9000 dokumento daw yun”, pahayag ni Flaminiano.
Kinuwestiyon rin ng depensa ang mga pahayag na sasabihin ng testigo gayong wala naman sa kanya ang first hand information sa kaso ng senador dahil siya lamang ang nagimbestiga
“What he is testifying are record that he has no personal knowledge of. That’s why we have continuing objection as of the relevancy and the materiality of his statement”, saad naman ni Atty. Alexis Suarez na isa rin sa mga abogado ni Estrada.
Dahil dito, nagdesisyon ang korte na magsagawa muna ng pre-marking para hindi tumagal ang pagdinig. Sa pre-marking, pipiliin ng prosekusyon ang ipi-presintang witness at dokumento sa korte at mamarkahan rin bilang annexes. Magiging bahagi rin ito ng kanilang pre-trial conference.
Hiniling rin ng depensa na ngayon araw ay isumite sa kanila ng prosekusyon ang listahan ng kanilang witnesses at dokumento na ipepresenta sa lahat ng bail hearings.
Dumalo sa pagdinig ang mismong mga akusado na sina Sen. Jinggoy Estrada at Janet Lim-Napoles. Kasama ng senador ang kanyang pamilya na sina Manila Mayor Erap Estrada, ang inang si Dra. Lois at kapatid na si Jude.
Sa susunod na Martes, July 15 ay ipagpapatuloy ng 5th division ang pagdinig sa petition for bail ni Estrada at ng ibang akusado.
Samantala, nagsagawa ng protesta sa harap ng Sandiganbayan ang mga militanteng grupo. Isinisigaw pa rin ng mga ito na dapat panagutin ang sinumang mapapatunayang gumamit ng pondo ng bayan para sa sarili nilang kapakinanbangan. (Grace Casin, UNTV News)