MANILA, Philippines —Inilabas ni Senate President Franklin Drilon ang kopya ng special allotment release order na nagkakahalga ng 100 million pesos sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program o DAP na pirmado ni DBM Undersecretary Mario Relampagos noong December 2012.
Na-release ang pondo ilang buwan makalipas na mahatulan ng senate impeachment court si dating Chief Justice Renato Corona.
Nakasaad sa saro na ang pondo ay gagamitin sa iba’t ibang infrastructure projects tulad ng mga daan at konstruksiyon ng Iloilo convention center, business park at airport sa Mandurriao sa Iloilo city.
Ipinakita rin ni Drilon ang kanyang sulat kay DBM Secretary Florencio Abad noong November 2012 ukol sa kanyang request na pondo na nagkakahalaga ng 100 million pesos na mapupunta sa Department of Public Works and Highways.
Ayon sa senate president ,inilabas niya ang mga dokumento upang malaman ng publiko kung saan napunta at paano ginastos ang pondo. Para kay Drilon, dapat na malaman ng taong bayan kung ginugol ito ng tama. Dagdag pa ng senador noon pang Oktubre 2013 niya inihayag sa publiko kung saan napunta ang perang tinanggap niya mula sa DAP sa layuning maisulong ang transparency.
Sinabi rin ni Drilon na ang 100 million pesos na pondo na mula sa DAP ay hindi napunta sa bogus NGOs at nakatulong ng malaki sa pagbibigay ng trabaho at pagpapasigla ng ekonomiya ng Iloilo. (Bryan De Paz, UNTV News)