MANILA, Philippines — Pabor si Senador Bam Aquino na papanagutin at parusahan ang sinomang opisyal ng pamahalaan na nakinabang sa Disbursement Acceleration Funds o DAP funds.
“Kapag merong pondo ng bayan na nabulsa, pumunta sa personal na gastusin ng isang opisyal ay dapat talagang makulong siya.”
Ayon sa senador, ang DAP ay nilikha sa pagnanais ng pamahalaan na mapa-unlad ang bansa. Gayunman, sinabi nito na dapat paring mabatid ng taong-bayan kung saan ginamit at napunta ang pondo ng DAP.
“Tama lang na kilatisin ito, saan napunta yung pera at kung meron mang kumita diyan, whether DAP o PDAF, dapat lang na ikulong yan at ipasok sa ating justice system.”
Hinikayat din ng senador ang kapwa niya mambabatas na ipakita kung saan nila ginamit o ini-ukol ang kanilang DAP funds.
Inasahan na rin ng senador na mababanggit ni Pangulong Benigno Aquino III ang kontrobersiyal na DAP sa kanyang SONA sa July 28.
Nung Lunes, naglabas ng mga dokumento sina Senate President Frankling Drilon at Senadora Pia Cayetano kung paano nila ginastos ang kani-kanilang pondo na nagmula sa DAP noong 2012.
Naglabas na rin ng mga dokumento si Senador Osmeña kahapon kung anung mga infrastructure project sa bansa napunta ang kanyang 50 million DAP funds.
Napunta naman ang DAP funds ni Senador Edgardo Angara sa limang infrastructuire projects ng DPWH. (Bryan De Paz, UNTV News)