MANILA, Philippines — Hindi lamang mga negosyante ang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y manipulasyon sa presyo ng bigas sa merkado.
Kinumpirma ni National Food Authority (NFA) Administrator Arthur Juan na iniimbestigahan na rin ngayon maging ang sarili nilang mga opisyal na posibleng nakikipagsabwatan sa mga rice trader upang pataasin ang presyo ng bigas.
“Hindi lang sa labas ng NFA also within NFA ay nagco-conduct tayo ng investigation.”
Tiniyak naman ni Presidential Asst. for Food Security & Agricultural Modernization Secretary Kiko Pangilinan na mananagot ang sinomang opisyal ng NFA na mapatutunayang nakikipagsabwatan sa modus ng mga negosyante.
“Kung mayroong collusion, kung mayroong involve na mga NFA official, kinakailangan silang managot sa isang proseso ng imbestigasyon at kung mayroong ebidensiya na sila’y kasabwat dapat din silang managot, dapat din silang parusahan.”
Lumagda na sa isang kasunduan ang NFA upang makatulong ang National Bureau of Investigation sa kanilang imbestigasyon.
Bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa hoarding, diversion at manipulasyon sa presyo ng bigas.
Sa pamamagitan nito ay inaasahang mapapabilis ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
“Pagkatapos madiskubre kung mayroong mga katiwalian o mayroong anomalya o iregularidad o mayroong paglabag sa mga batas natin sa price manipulation at sa PD 4 ay mas mabilis ang kooperasyon ng ating piskalya at ng ating tanggapan para yung mga kaso ay maisampa kaagad,” saad pa ni Pangilinan.
Samantala, nasampahan na ang 17 indibidwal na nahuli matapos ang raid ng NFA sa isang bodega ng bigas sa Marilao, Bulacan nitong nakaraang Huwebes.
Natuklasan sa naturang raid na isinasalin sa ibang sako ng mga akusado ang NFA rice at ibinibenta sa presyo ng commercial na bigas. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)