MANILA, Philippines — Wala pang resolusyon ang 1st division ng Sandiganbayan sa mosyon ng dating presidente at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng kanyang PCSO plunder case.
Isa sa dininig na mosyon ni Arroyo ay ang kanyang hiling na makapagpiyansa sa kasong plunder kahit non-bailable ito.
Pang-apat na petition na ito ni Arroyo na makapagpiyansa matapos hind pagbigyan ang nauna na niyang mga isinagawang mosyon.
Kanina ay hiniling ng mga abogado na tumestigo ang clinical psychologist ni Arroyo na si Dr. Arnulfo Lopez, upang patunayan na lalong lumala ang kondisyon nito mula ng i-hospital arrest.
Hinahanap ng korte ang testigo na ito kanina, ngunit hindi nakadalo ang doctor dahil hindi raw siya available sa araw na ito.
“Mayroon kaming testigo, a very competent one to testify that indeed her continued confinement is not doing her really good. Meaning her condition from 2013 up to the present, it didn’t improve. It didn’t progress and in fact she has developed other illnesses”, pahayag ni Atty. Modesto Timcan na abogado ni Arroyo.
Tinutulan naman ng prosekusyon ang mosyon ng kampo ni Arroyo na magsalang ng bagong testigo. Sinabi ng prosekusyon na wala naming bagong argumento na ipi-presenta maliban sa kalusugan ni Arroyo. Para sa prosekusyon, kailangan may equal protection of the law at hindi dapat mabigyan ng special treatment si Arroyo. Binigyan ng limang araw ng korte ang prosekusyon upang maghain ng kanilang komentaryo. Limang araw din ang binigay sa kampo ni Arroyo para sa kanilang reply.
Samantala, dininig rin kanina ang motion ni Arroyo na makadalo sa golden anniversary ng kanyang kaibigan at spiritual mentor na si Mariano Velarde at asawa nito sa July 18.
Agad tinutulan ng prosekusyon ang mosyon at sinasabing special treatment na ito kay Arroyo kung pagbibigyan ng korte. Submitted for resolution na ng korte ang mosyon na ito ni Arroyo.
Kasalukyang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center si Gloria Macapagal-Arroyo at hinihintay pa nito kung papayagan ba siya ng korte na makapagpiyansa sa kasong plunder. (Joyce Balancio, UNTV News)