MANILA, Philippines — Handang ibalik ni Senator JV Ejercito ang sampung milyon pondong nagamit mula Disbursement Acceleration Program (DAP) na kanyang natanggap sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang congressman ng San Juan city.
Ayon sa senador, handa siyang kunin ito sa sariling bulsa kung kinakailangan,maibalik lamang ang nagamit na DAP funds.
Sinabi ni Ejercito, hindi niya noon alam na DAP ang tinanggap niyang pondo.
“Actually, narinig ko na lang ang DAP nasa senado na ako eh.”
Aminado naman ang senador na may pagkukulang siya dahil hindi niya ipinasiyasat kung saan nanggaling ang pondong kanyang natanggap. Sinabi rin ni Ejercito na bagitong mambabatas pa lamang siya noon ay nakaramdam siya ng excitement ng mabigyan siya ng karagdagang pondo para sa kanyang distrito.
Hinimok din ng senador si Department of Budget Secretary Butch Abad na sagutin ang isyu hinggil sa illegal na paggamit ng DAP, upang hindi na maapektuhan pa ang tiwala ng sambayanan kay Pangulong Benigno Aquino III.
“Ang maganda, sagutin na nila para matigil na. Lalong nagiging mainit kasi. Iwas sila ng iwas, Sec. Abad should answer.”
Samantala, inanunsyo din ng senador ang posible niyang pagdalaw sa kapatid na si senator Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa susunod na isa o dalawang linggo.
Ayon sa kanya, nais niyang idaan sa proseso ang gagawing pagdalaw sa kanyang kapatid.
“When the time comes na talagang ii-schedule ko na pagdalaw ko kay Sen. Jinggoy at Sen. Bong Revilla, I would want to request first to the PNP to allow me to visit both of them.”
Nais lamang niyang maging maingat sa gagawin niyang pagdalaw.
“I know this situation na kapag inabuso minsan,o di kaya yung pagiging cautious ng PNP, minsan ang binabawian yung detainee, so this time around I wanted to be more careful.”
Kahapon ay nagtungo sa PNP General Hospital ang senador, upang dalawin si Senator Juan Ponce Enrile at humingi ng payo, para sa gagawing kontra SONA, kasabay ng State Of the Nation Address ni Pangulong Aquino ngunit hindi na ito dumaan pa sa custodial center kung saan nakakulong ang kanyang kapatid.
Umaasa si Senator JV Ejercito na sa kabila ng nangyari kay Sen. Jinggoy Estrada, naniniwala ito na darating pa rin ang panahon na magkakaayos sila ng kanyang kapatid. (Joan Nano, UNTV News)