MANILA, Philippines — Tatlong sentimo kada kilowatt hour ang madadagdag sa bill ng mga customer ng Meralco ngayong Hulyo.
Ibig sabihin, ang isang sambahayan na kumokonsumo ng 200 kilowatt per hour ay magkakaroon ng anim na pisong dagdag sa kanyang bayarin.
Ayon sa Meralco, mataas na generation charge at transmission charge ang dahilan ng pagtaas sa singil sa kuryente ngayong buwan. Maging ang sunod-sunod na di inaasahang shutdown ng ilang planta ngayong buwan.
“Kapag maraming forced outages ng mga planta, apektado din ang dispatch ng mga natirang planta na nakapag-supply kaya yung suppliers naming, nagtaas ng kanilang presyo”, pahayag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.
Nakatulong naman ang mababang halaga ng distribution charge ng Meralco upang makabawas sa bayarin sa kuryente.
Samantala, pinangangambahang magtaas ng yellow alert sa supply ng kuryente ngayong darating na Sabado.
Ayon sa Deparment of Energy, ito ay bunsod ng ilang oras na maintenance shutdown ng Ilijan power plant.
Sinabi naman ng Meralco na sakaling umpisahan nga ang maintenance shutdown ngayong Sabado, posible na paganahin nila ang interruptible load program upang makahiram ng kuryente sa mga establisyemento.
“Our common objective is ensure that we will have continuous supply for all our customers. So on the part of Meralco, we are preparing for this, including the possible activation again of the interruptible load program”, saad ni Meralco Utility and Economics Head Larry Fernandez.
Subalit nilinaw naman ng National Grid Corporation na hindi ito magiging problema dahil sapat ang supply ng kuryente para sa buong Luzon.
Patuloy naman ang panawagan ng Meralco sa lahat na magtipid sa paggamit ng kuryente upang makatulong sa pagpapanatili ng maayos at sapat na supply ng kuryente. (Mon Jocson, UNTV News)