MANILA, Philippines —Naabo ang limang unit ng Ultrabus na biyaheng Samar matapos masunog habang nakaparada sa garahe sa Back 1 street, Don Carlos Village, Pasay city, pasado alas-dos kaninang madaling araw.
Ayon sa mga barangay tanod na unang rumesponde sa sunog, nakita nilang umuusok ang isa sa mga bus at nakarinig sila ng pagsabog saka sumiklab ang apoy.
Agad silang tumawag ng tulong sa mga bumbero upang apulahin ang apoy.
“Malaki laki na rin kasi nung may sumabog. Nagspread agad yung apoy kaya lumaki agad”, ani Jesus Berbers na isang tanod sa Brgy. 190 sa Pasay City.
Wala namang nasawi subalit isang welder ang nasugatan nang subukang isalba ang kanyang gamit.
Base sa inisyal na impormasyon, pinipinturahan ang naturang mga bus at may mga nagwewelding at naninigarilyo malapit sa bus na posibleng dahilan ng pagkasunog ng mga ito.
“Oo, pinipinturahan iyan. Running condition naman daw po yan, pang biyahe na talaga”, saad ni Berbers.
Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung aksidente o kung may foul play sa insidente.
Mag-a-alas kwatro ng madaling araw nang ideklarang fire out ng BFP habang nasa walong pung libong piso naman ang tinatayang pinsala ng sunog. (Benedict Galazan, UNTV News)