MANILA, Philippines — Sunod-sunod ang panawagan na ilabas na ang Disbursement Acceleration Program (DAP) list upang malaman kung nagamit ng tama ang salapi ng bayan.
Sa July 21, nakatakda na ang pagdinig ng senate committee on finance ukol sa kontrobersyal na DAP.
Pinatatawag ng komite si Budget Secretary Florencio Abad upang ipaliwanag ang DAP na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Pinasusumite kay Abad ang kumpletong listahan ng mga pinagkagastusan ng DAP gaya ng proyekto, purpose nito at halaga ng ni-release na pondo.
“It’s not even in the SAROs. Walang banggit ang dap sa GAA, wala ring banggit ang DAP sa SARO, so saan malalaman ang DAP? Wala namang dokumentong nakakarating sa senado o sa kongreso kaugnay ng DAP”, pahayag ni Committee on Finance Chairman at Senador Francis “Chiz” Escudero.
Nais ni Senador Chiz Escudero na klaruhin ni Abad ang lumabas na ulat na ang kabuuang halaga ng pondo sa ilalim ng DAP ay aabot ng 372 billion pesos. Hindi ito tumutugma sa listahan na naunang iniulat sa komite ng kalihim na aabot ng 200 billion pesos.
“Tina-tally namin yung mga amounts. Hindi tumutugma doon sa inilabas ng DBM na yon. Yung nasubmit din namin, doon sa Committee on Finance, hindi rin nagta-tally doon sa nasubmit nila, so hindi ko alam kung saan galing yung mga amounts na yon. Pinagpapaliwanag pa namin ang DBM.
“Yung na-submit nila, hindi pa rin tumutugma, dahil yung lumabas sa diyaryo 372, ang total na binigay sa amin ay over 200 billion lamang.”
Ayon kay Senador Escudero papasok na sa budget season ang kongreso ngayong taon kaya’t nais tiyakin ng Finance Committee na ang susunod na national budget na aaprubahan ay naaayon sa Supreme Court decision ukol sa DAP. (Bryan De Paz, UNTV News)