MANILA, Philippines – Tinapos na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa Sabah standoff noong Pebrero.
Ayon kay NBI Deputy Director for Regional Operations Virgilio Mendez, naisumite na nila sa Department of Justice (DOJ) ang report kung saan 68 Pilipino at 10 Malaysian security personnel ang nasawi.
Gayunman, ayaw pang isapubliko ni Justice Secretary Leila De Lima ang nilalaman ng ulat na siyang gagamiting basehan ng pagsasampa ng kaso laban kay Sultan Jamalul Kiram III at kanyang mga taga-sunod.
Una nang sinabi ni De Lima na si Pangulong Aquino na ang bahalang maghayag ng nilalaman ng report. (UNTV News)