DAVAO CITY, Philippines – Hindi inaalis ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang posibilidad na nagkaroon ng human error sa pagsadsad ng eroplano ng Cebu Pacific sa Davao International Airport.
Ayon kay (CAAP) Deputy Director General Captain John Andrews, maaaring maiwasan ang tinatawag na crosswind o hagupit ng hangin upang maka-landing nang maayos ang isang eroplano kahit na masama ang lagay ng panahon.
Sa ngayon, grounded ang piloto at co-pilot ng naaksidenteng eroplano na sina Capt. Antonio Ruel Oropesa at First Officer Edwin Parello habang iniimbestigahan ang insidente.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang CAAP sa dahilan ng insidente at sinusuri na ang flight data recorder ng eroplano.
Aalamin din ng CAAP kung maayos na naipatupad ng crew ng Cebu Pacific ang kanilang emergency evacuation plan na protocol sa mga aksidente. (UNTV News)