DAVAO CITY, Philippines — Inihahanda na ng mga pasahero ng sumadsad na Flight 5J971 ng Cebu Pacific ang class suit na kanilang ihahain laban sa kumpanya.
Inirereklamo ng mga pasahero ang umano’y kawalan ng agarang aksyon ng crew ng eroplano nang mangyari ang insidente.
Sa salaysay ng ilang pasahero, tumagal pa ng mahigit sa 20-minuto bago bumukas ang pintuan ng eroplano at nakababa sa slide patungong runway.
Wala rin umanong umalalay sa kanila nang makarating na sila sa terminal gate.
Giit ng mga pasahero, doble ang trauma na idinulot sa kanila ng pangyayari bukod pa sa umano’y hindi maayos na pamamalakad ng airline company.
Ayon kay Andrew Bautista, presidente ng Flight 5J971 victims, nakausap na nila ang iba pang kasamang pasahero at nagpakita ang mga ito ng interes na sumama sa isasampang kaso.
“Definitely we will be bringing this to a theorize forum of course we have talked about it we will be bringing this to a court proceeding,”
Dagdag pa ni Bautista, “first the reason why we rode that plane is we entrusted our lives with them so what we just simply expect is we want to know how much we value them.”
Sa ngayon, ay hindi pa umano nila napagkakasunduan ang halaga ng danyos na kanilang hihingiin mula sa pamunuan ng Cebu Pacific.
Wala pa ring tugon ang pamunuan ng Cebu Pacific hinggil sa kasong posibleng ihain ng mga apektadong pasahero. (Louell Requilman & Ruth Navales, UNTV News)