QUEZON CITY, Philippines — Kinailangan pang gumamit ng mga extrication device o special equipment para mailabas ang isang biktima na nabagsakan ng pader habang natutulog sa isang barung-barong sa Sct. Borromeo, Brgy. South Triangle, lungsod ng Quezon.
Kinilala ang biktima na si David de los Santos, 20 anyos.
“Yung napuruhan, yung nasa loob ng barung-barong na ‘yun”, ani Michael Rapsing na nakasaksi sa pangyayari.
“Nung bumagsak kanina yung pader, nandun ako, nagkakape sa kanto. Nadinig ko may ‘bog!’ tapos bigla na lang napatakbo ako. Nakita ko yung pader gumuho. May kubo dun na yung pamangkin ko dun natutulog”, paliwanag ni Candy Alfonso na kamag-anak ng biktima.
Ayon sa Quezon City Disaster Risk Reduction Management Council (QCDRRMC), posibleng spinal injury ang tinamo ni De Los Santos dahil sa pagkakaipit nito sa gumuhong pader.
Samantala, sa isang bahagi rin ng Quezon City, hindi rin nakaligtas ang isang security guard ng isang construction site na kasalukuyang naka-duty nang mangyari ang insidente.
Nabagsakan din ito ng pader subalit nagtamo lamang ng minor injuries.
Gumuho ang pader dahil sa lakas na hangin at buhos ng ulan kaninang madaling araw.
“Sa sobrang lakas ng ulan, maaaring bumigay dahil lumambot ung lupa, bumigay”, pahayag ni QCDRRMC Action Officer Michael Marasigan.
Nagpaalaala naman ang mga otoridad na maging alerto dahil sa mga sakunang posibleng mangyari kapag malakas ang hangin at ulan lalo na kung may bagyo. (Jerico Albano, UNTV News)