MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak laban sa mga sakit ngayong pasukan at tag-ulan.
Uso sa panahong ito ang tinaguriang wild diseases o water, influenza, leptospirosis at dengue.
Ang water ay tumutukoy sa water borne diseases o mga sakit gaya ng cholera at diarrhea na nakukuha sa kontaminadong tubig.
Ang influenza o trangkaso naman ay may sintomas na ubo, sipon at lagnat na maaaring mauwi sa pulmonya kung hindi maagapan.
Pinag-iingat din ang publiko sa sakit na leptospirosis na nakukuha sa baha na kontaminado ng ihi ng daga, at ang dengue na nakukuha naman mula sa kagat ng lamok na carrier ng virus.
Payo ng DOH, iwasang lumusong sa baha at panatilihing malinis ang kapaligiran upang makaiwas sa anumang sakit. (UNTV News)