MANILA, Philippines – Babalangkasin na ng Philippine National Police (PNP) ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ay upang mas maging malinaw ang bagong batas sa mga gun owner.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., mas pinalakas ng batas ang firearms regulations na ipatutupad ng pambansang pulisya dahil hiwalay ang proseso ng lisensya para sa taong hahawak ng baril at proseso para sa rehistro ng baril .
“Parang sasakyan, may lisensya tayo para sa driver at may rehistro para sa sasakyan, ganon din sa bagong batas, ipo-proseso natin ang gun owner o aplikante kung sya ay qualified na humawak ng baril base sa mga requirements na hinihingi natin in addition to that yung baril na hawak ay may separate na rehistro.”
Base sa Article 3 Sec. 9 ng naturang batas, maaaring magmay-ari ng mahigit 15 baril ang isang tao base sa uri ng trabaho at ng pangangailangan tulad ng mga may-ari ng security agency.
Gayunman, nilinaw naman ni Cerbo na ang PNP-Firearms and Explosive Division pa rin ang magre-review sa mga aplikasyon ng mga gun owner kung qualified o hindi ang mga ito.
“Prebilehiyo lang naman ito, doon namin titingnan kung ikaw ba ay pwedeng humawak ng isang baril o pang dalawa, depende sa trabaho mo,” pahayag pa ni Cerbo. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)