MANILA, Philippines — Ginulat ni Senator Juan Ponce Enrile ang mga kapwa niya senador nang kanyang ianunsyo ang kanyang irrevocable resignation bilang senate president.
Sa pagsasara ng sesyon ng senado kahapon para sa 15th congress, inihayag ni Enrile ang kanyang pagbibitiw sa pamamagitan ng kanyang talumpati.
Ayon kay Enrile, matagal na niyang alam ang planong palitan siya bilang lider ng senado at hindi na kailangang sabihan pa siya para umalis sa posisyon.
Inihayag rin ni Enrile ang kanyang mga sama ng loob sa kanyang mga kapwa-senador dahil sa isyu ng cash gift at iba pang operating expenses ng mga senador.
Binanggit pa ng senador ang pagkatalo ng kanyang anak na si Jack Enrile sa nakalipas na halalan na umano’y naapektuhan ng mga batikos laban sa dating lider ng Senado.
Dagdag pa ng senador, hindi siya papayag na gamitin ang kanyang pangalan para sa kapakinabangan ng ilan lalo na sa nakalipas na halalan.
Ngunit sa huli, binigyang diin ng senador na nais niyang manatili ang integridad ng mataas na kapulungan ng kongreso kaya siya nagbitiw sa pwesto. (UNTV News)