
Pangulong Benigno Aquino III (UNTV News)
MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III sa Bangsamoro Transition Commission (BTC) at sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na maging bukas ang isip para sa ikapagtatagumpay ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Ito ang sinabi ni Pangulong Aquino sa ginawang pagpupulong kahapon sa Malacañang kasama ang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission , OPAPP Secretary Teresita Ging Deles, ilang miyembro ng gabinete at mga government negotiator.
Ayon sa Malacañang, desidido ang pangulo na isulong ang draft ng Bangsamoro basic law.
“Inassure ng pangulo that he wants to, that he will push the law with convictions as such pulido po yung ating due diligence. Alam naman po natin that once a draft is submitted to congress, ise-certify as urgent ng pangulo dahil meron nga tayong timetable”, pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Usec. Abigail Valte.
Sa pahayag naman ng OPAPP, muling nanawagan ang pangulo sa dalawang panig na isapinal na ang draft sa lalong madaling panahon.
Binigyang diin ng pangulo na inaalala ng kongreso ang timetable para sa pagpapasa ng naturang panukalang batas kung hindi agad ito maisusumite.
Matatandaang isinumite ng BTC sa Office of the President ang panukalang batas noong Abril para i-review. Ibinalik ng OP ang draft na ito noong nakaraan lamang buwan na may mga komentaryo para naman sa review ng BTC.
Kasunod nito, nag-isyu ng resolusyon ang transition commission na iakyat na ang usapin sa peace panels para sa klaripikasyon at resolusyon sa mga isyu sa draft ng basic law.
Pagkatapos nito, nagpulong ng limang araw ang MILF at government peace panels sa Kuala Lumpur nito lamang Hulyo at apat na araw naman dito sa Maynila.
Nagpatuloy ang talakayan ng government-MILF peace panel sa draft ng Bangsamoro basic law ngayong araw upang subukan tapusin na ang usapin kaugnay ng mga isyu o probisyon na nasa draft law na hindi pa nabibigyang linaw.
“I understand that the BTC has come out the resolution asking the peace panel to look at the issues that have been raised back and forth between the legal team as well as the BTC on the draft”, ani Valte. (Nel Maribojoc, UNTV News)