MANILA, Philippines — Sa kabila ng mahigpit na seguridad na ipinatupad ng Philippine National Police, nakalapit pa rin ng halos isang daang metro malapit sa north gate ng Batasang Pambansa ang mahigit sa tatlong daang raliyista at residente mula sa Batasan, Bagong Silangan at Payatas.
Sinabayan ng mga maralita ng kanilang sariling bersyon ng SONA ang ikalimang State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon sa mga raliyista, walang karapatan ang pangulo na maglahad ng tunay na kalagayan ng mga maralita sa bansa.
Kinuwestyon din ng grupo ang labing isang bilyong pisong pondong inilaan para sa housing project na ayon sa kanila ay nakapaloob sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP.
Ayon naman kay Fe Ramirez ng Gabriela sa Brgy. Batasan, bukod sa nanganganib sila sa demolisyon, hindi na rin halos mapakain nang maayos ang kanilang mga anak dahil sa tumataas na presyo ng mga bilihin, katulad na lamang ng bigas.
Sinabi pa nitong walang malinaw na plano ang pamahalaan upang mapabuti ang buhay ng mga maralita, taliwas sa sinasabi ni Aquino na nakatulong ang DAP sa ekonomiya ng bansa.
Panawagan ng grupo, ilabas ng pangulo ang lahat ng detalye sa DAP.
Dahil dito, nagtodo-bantay ang halos apat na raang pulis sa labas ng Batasan upang maiwasang ang anumang gulo.
Una nang nagbabala ang National Capital Region Police Office na aarestuhin at kakasuhan ang mga manggugulong raliyista. (Bianca Dava, UNTV News)