State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 28, 2014]
Bise Presidente Jejomar Binay; dating Pangulong Fidel Valdez Ramos; Senate President Franklin M. Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano Belmonte Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikalimang SONA, isa na lamang ang natitira. May kasabihan po tayo: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan. Kaya marapat lang po siguro tayong magbalik-tanaw:
Noon, sa sitwasyon natin: Para bang kahibangan ang mangarap. May burukrasyang walang saysay, patong-patong ang tongpats, at bumubukol ang korupsyon sa sistema. Naturingan tayong “Sick Man of Asia.” Ang ekonomiya natin, matamlay; ang industriya, manipis. Walang kumpiyansang mamuhunan sa atin pong bansa. Ang resulta: kakarampot ang trabahong nalilikha. Dinatnan nating tigang sa pag-asa ang mamamayang Pilipino. Marami sa atin ang sumuko at napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa. Nakayuko na lamang nating tinanggap: Talagang wala tayong maaasahan sa ating pamahalaan at lipunan.
Nalugmok nga po ang Pilipinas dahil sa labis na pamumulitika. Naglaho ang pananalig natin sa isa’t isa, humina ang kumpiyansa sa atin ng mundo, at ang pinakamasakit: Nawalan tayo ng tiwala sa ating mga sarili.
Sa puntong ito natin sinimulan ang pagtahak sa tuwid na daan.
Bilang ama ng bayan, nakaatang sa aking balikat, hindi lang ang mga suliraning ating dinatnan at mga lumilitaw sa kasalukuyan—obligasyon ko ring paghandaan ang kinabukasan. Sa bawat sandali, kailangan kong isaalang-alang ang interes at punto-de-bista ng lahat. Isipin na lang po ninyo: Para kang nanonood ng 200 channel sa telebisyon nang sabay-sabay. Kailangan, alam mo, hindi lang ang kasalukuyang nagaganap, kundi ang pinanggalingan at paroroonan ng nilalaman ng bawat channel. Bawal malito, at kailangan, may tugon ka sa anumang tanong, suhestiyon, at kritisismo—at dapat sagutin mo ito, bago pa iharap sa iyo.Hindi po madali ang trabahong ito, at tao lang po ako, na kung minsan, nagkakaroon din ng agam-agam.
Ngunit buo ang aking loob dahil malinaw ang aking pangunahing layunin: Ang ibalik ang gobyerno sa dapat nitong tuon—ang paglingkuran ang taumbayan sa lahat ng panahon. [Palakpakan]
‘Di po ba’t may kasabihan tayo: Bigyan mo ng isda ang tao, at mapapakain mo siya ng isang araw. Turuan mo siyang mangisda, at habambuhay niyang mapapakain ang sarili niya. Halimbawa nito ay ang TESDA. Sa Training-for-Work Scholarship Program, nag-ambag ang DAP ng 1.6 billion pesos. Nakapagpatapos po ito ng 223,615 benepisyaryo. 66 percent po nito—o katumbas ng 146,731 graduates—ang nagtatrabaho na ngayon. Iyon naman pong 34 percent na natitira, tinutulungan na rin ng TESDA na makahanap ng trabaho. Tingnan po ninyo: Lahat po ng mga TESDA scholar, nakalista ang pangalan at iba pang datos, na puwede ninyong kumpirmahin. [Palakpakan]
Kung hahatiin natin sa bilang ng graduates ang naipagkaloob na pondo, pumapatak ng 7,155 pesos ang naipuhunan ng pamahalaan para sa training ng bawat scholar. Sa BPO sector, mababa na ang kitang 18,000 piso kada buwan. Kada taon, kikita siya ng 234,000 pesos. Ibigay man ang maximum tax deduction, ang magiging income tax niya kada taon: 7,900 pesos. Ibig-sabihin, ang pinuhunan ng estadong 7,155 pesos, sa unang taon pa lang, nabawi na, may sobra pa. Ito, at ang lahat ng ibubuwis ng ating scholar hanggang magretiro siya, ay magbibigay naman sa kanyang kababayan ng parehong pagkakataon. Ito po ang mabuting pamamahala [Palakpakan]: May tama pong intensyon, pamamaraan, at resulta. Lahat panalo.
Pakinggan po natin ang kuwento ng dalawang TESDA graduate:
“‘Pag naabot mo na ‘yong pangarap mo—success, hindi naman stable ‘yon e. You need to work hard for it.
“Ako po si Marc Joseph Escora. Ako po ay isang high school graduate. And through TESDA’s help, I have my career in the BPO [business process outsourcing] industry right now.
“I stayed in Libertad public market for seven years. Nagba-barker po ako. Hindi kaya ng pamilya ko na pag-aralin kami nang sabay, so I need to find another way para makapagtapos ako.
“Most important thing na natutunan ko is ‘yung confidence to interact with other people. ‘Pag nakita ka ng tao na may kapansanan ka, hindi na nila ni-look forward ‘yung ability mo ba. Kailangan lang natin ng tiwala sa sarili.
“If TESDA is not there to help out, siguro wala rin ako ngayon kung nasaan man ako ngayon. ‘Yung way of living namin, masasabi kong mas okay siya compared noong dati.”
- Marc Joseph Escora, TESDA beneficiary
“Dahil sa TESDA, napabilis ‘yung pag-aaral ko, paghahanap ko ng trabaho, at ang pagtulong ko sa pamilya ko.
“Ako po si Jonnalyn Navarossa, Technical Trainer ng Toyota Motor Philippines. Ako po ‘yung naging overall topnotcher ng batch 1 sa automotive servicing sa TESDA Region 4-A. Napili ko po ‘yung automotive servicing kasi po pangarap kong maging isang mechanical engineer. So para makapagtrabaho’t magkapag-ipon, nag-TESDA po ako.
“Nakasanayan na po natin na ang auto mechanic ay trabahong panlalaki lang. Pero napatunayan ko na basta masipag at determinado, magkakaroon tayo ng dekalidad na produkto. Dahil sa TESDA, tumatak po sa akin ang kahalagahan ng dekalidad at mahusay na pagtatrabaho. Mas tumaas ‘yung tiwala ko sa aking sarili, at mas masarap nang mangarap nang malaki.”
- Jonnalyn Navarossa, TESDA beneficiary
[Palakpakan]
Nasimulan na rin po natin ang Expanded Conditional Cash Transfer Program nitong Hunyo 2014, na may pondong 12.3 billion pesos. Ngayon, suportado na rin ng estado hanggang umabot ng 18 taong gulang ang benepisyaryo. May magtatanong, “Bakit?” Batay po kasi sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, 40 percent ang dagdag na sinasahod ng high school graduate, kumpara sa grade school lang ang natapos.
Namumuhunan po tayo sa pinakamahalagang yaman ng bansa: ang taumbayan. Pinapatunayan ito ng datos ng NEDA. Ayon sa kanila, ang 27.9 percent na poverty incidence natin sa unang semester ng 2012, bumaba patungong 24.9 percent sa kaparehong panahon noong 2013. Ang three percentage points pong ito ay katumbas ng halos 2.5 milyon na Pilipinong nakaalpas na sa poverty line. [Palakpakan] Totoo namang dapat pagtuunan ng masusing pansin ang pinakamahihirap sa lipunan. Pero hindi tayo titigil diyan: Ngayong nadagdagan ang kakayahan natin, sinisikap nating hindi na manumbalik sa ilalim ng poverty line ang lahat ng nakaalpas na. [Palakpakan]
Dumating po tayo sa lipunang parang isang sirang bahay na hindi natin malisan. Ang malala pa dito, halos wala tayong kagamitan at materyales para ayusin ang sira. Nitong mga nakaraang taon, sa pakikiambag ng bawat mapagkapwang Pilipino, nabubuo na natin ang mga kagamitan at materyales na ito—tulad po ng budget na tanging nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan, at apat na sunud-sunod na taon na nating naipapasa sa tamang oras. Kasama nito ang mga batas na nagpapabilis ng pagdating ng pakinabang sa atin pong mga Boss.
Dito po—sa isang patas na sistema—nagsimula ang panunumbalik ng sigla ng ating ekonomiya. Nakatipid tayo dahil sa maayos na pangangasiwa ng pondo. Napapalawak natin ang saklaw ng mga serbisyo nang hindi nagtataas ng buwis, maliban sa Sin Tax Reform na layuning ibsan ang bisyo sa lipunan. [Palakpakan]
Nagtrabaho tayo para magkaroon ng kakayahang tustusan ang mga proyektong ipinatupad, ipinatutupad, at ipatutupad pa natin. Pinaigting natin ang pangongolekta ng buwis: mula sa koleksyong 1.094 trillion pesos noong 2010, naitaas na natin ito sa 1.536 trillion noong 2013. [Palakpakan] Inayos natin ang pamamahala ng ating mga utang. Ang resulta: Bumaba ang ating debt to GDP ratio; ang perang dating dapat ibabayad sa interes, napupunta na sa social services. Pati ang mga obligasyong karamihan ay minana lang, natugunan din natin. Halimbawa po nito: 1993 pa po o panahon pa ni Pangulong Ramos nang itinakda ang obligasyong i-recapitalize ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang 50 bilyong piso para magawa niya ang kanyang tungkulin. Ang napondohan ni Presidente Ramos, 10 bilyong piso, at hindi na nadagdagan pagkatapos noon. 40 bilyon ang kakulangang iniwan sa atin; nabayaran na po natin ito. [Palakpakan]
Pinaghirapan natin ang pondong mayrooon tayo ngayon, kaya’t hindi po natin maaatim na waldasin lang ito. Kung pipili nga ng tamang pinuno ang ating mga Boss, malalagpasan pa ng susunod ang ating mga nagawa, dahil malaki na ang naibawas natin sa problema, at mas matayog na ang kanilang pagmumulan.
Bakit po mas matayog? Nitong 2013, sa unang pagkakataon, nagkamit tayo ng investment grade status mula sa Moody’s, sa Fitch, at Standard and Poor’s—ang tatlong pinakatanyag na credit ratings agency sa mundo. Sa pagsusuri nila ng ating macroenomic fundamentals at governance, nabawasan ang riskong itinatala, kaya tumingkad ang kumpiyansa ng mga namumuhunan. Hindi pa nga po nakuntento ang Standard and Poor’s: Nitong Mayo lang, panibagong upgrade na naman ang ibinigay nila sa atin. Ang hatid po nito: Dahil nga investment grade na tayo, mas murang mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga programa at proyekto, mas maraming naaakit na mamumuhunan sa ating bansa, at mas mabilis na natatamasa ng Pilipino ang benepisyo. [Palakpakan]
Kung susumahin naman po ang lahat ng puhunang pumasok sa Philippine Economic Zone Authority simula nang itatag ito noong 1995, makikitang 42 porsyento ang pumasok sa apat na taon ng ating panunungkulan. Ang natitirang 58 percent, inabot ng 15 taon ang ibang mga administrasyon para bunuin. Kumpiyansa po tayo: bago tayo bumaba sa puwesto, papantayan o hihigitan pa natin ang halagang ito. Kay Director General Lilia de Lima: Salamat sa nagawa mo na, at gagawin pa, sa pagkamit ng tagumpay na ito. [Palakpakan]
Talagang pa-take-off na ang ating ekonomiya at bansa, at inaabot na natin ang mas matatayog pang mithiin. Minana natin ang tila grounded na aviation industry: napatawan tayo ng significant safety concerns ng International Civil Aviation Organization, o ICAO, nabigyan ng downgrade ng United States Federal Aviation Administration, at nilagyan ng restriction ng European Union ang ating mga local carriers.
Nitong 2013, inalis na nga po ng ICAO ang significant safety concerns sa Pilipinas. Sa parehong taon, sinundan ito ng pagpayag ng European Union na muling lumipad ang Philippine Airlines patungong Europa, kaya direkta nang makakabiyahe ang Pilipino [Palakpakan] mula Maynila po hanggang London. Malamang nga po, pasunod na ang Cebu Pacific dahil nabigyan na rin sila ng pahintulot ng EU ngayong 2014. Ngayong taon din, in-upgrade ng United States Federal Aviation Administration ang Pilipinas balik sa Category 1. Dahil dito, maaari nang dumagdag ang mga ruta papunta sa Estados Unidos. Sa larangan ng turismo at pangangalakal, malaki ang itinulong ng pagdami ng flights ng ating airlines tungo sa mga bansa kasapi ng EU at Estados Unidos .
Dumarating sa atin ang mga ulat na sa dami ng gustong bumisitang negosyante at turista sa ating bansa, dumarating ang mga panahong kulang na ang mga biyahe papunta rito. Magandang balita nga po ang mga upgrade: Dadami ang biyahe, kaya’t matutugunan ang suliraning ito. At sa patuloy na pagtutulungan ng CAAP at ng ating mga local carrier, pihadong mas marami pa tayong maaakit na turista at negosyante sa mga susunod na taon. Panalo ang mga umaasa sa sektor ng turismo, panalo ang sambayanang Pilipino. Mabuting pamamahala po ang ugat ng mga tagumpay na ito. Nagpapasalamat nga tayo kina Director General William Hotchkiss, sa CAAP, at sa ating mga local carriers para sa inyong pagsusumikap. [Palakpakan]
Talagang nasa sentro ng pandaigdigang entablado ang Pilipinas. Nito lang pong nakaraang Mayo, nagpakitang-gilas tayo sa tagumpay ng pagdaraos ng World Economic Forum on East Asia sa ating bansa. Ihahayag natin sa gaganaping APEC Summit dito sa susunod na taon ang kaunlarang nakakamit natin at ang pagkakataong hatid nito para sa lahat. Wala pong duda: More open for business na nga po ang Pilipinas. [Palakpakan]
Bukod po sa maaliwalas na pagnenegosyo, isinusulong din natin ang maayos na relasyon ng ating mga manggagawa at mga kompanya.
Isipin po ninyo: Mula 2010, nananatiling mababa sa sampu ang bilang ng mga strike kada taon ayon sa National Conciliation and Mediation Board. Isa po itong positibong bunga ng itinataguyod nating Single Entry Approach, o SEnA, ng DOLE, kung saan dumadaan sa 30-day conciliation-mediation ang mga nakahaing labor cases. Ang maganda nga po: sa 115 notices of strike and lockout noong 2013, isa lang ang natuloy na welga. Ito ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE. Maraming salamat po kay Secretary Linda Baldoz, sa pamilya ng DOLE [palakpakan] at siyempre po sa labor at management sectors. Minsan po ay nagkabiruan kami ni Secretary Baldoz, noong 2012 ho yata’y may dalawang strike, noong 2013, isa na lang, so nangangalahati nang nangangalahati. Sabi ko: Linda, sa 2014, hindi tagumpay ‘yung may kalahating strike. Baka puwede, wala nang strike? [Tawanan at palakpakan]
Batid rin natin: Para magpatuloy ang pag-angat ng ekonomiya at pagbukas ng pagkakataon, kailangan ng imprastruktura. Ito ang aakit sa mga negosyante, magpapabilis sa daloy ng produkto at serbisyo, at sisigurong kaya nating makipagsabayan sa iba pang merkado sa daigdig.
Napakalaki po talaga ng pagbabago: Lampas doble na ang budget para sa imprastruktura, mula 200.3 billion pesos noong 2011, naging 404.3 billion pesos ngayong 2014. [Palakpakan] Paalala ko lang po: Hindi tayo nagdagdag ng buwis maliban sa Sin Tax Reform na nakatugon sa kalusugan, habang napanatili din ang ating allowable deficit, at patuloy na bumababa ang ating debt-to-GDP ratio. Malaki po ang epekto nito, dahil hindi lang lumaki ang pondo: binawasan pa natin ang mga tagas sa sistema, kaya natitiyak nating mas sulit ang bawat pisong ginagastos ng estado.
Sa pamumuno ni Secretary Babes Singson ng DPWH: Bawal ang tongpats, bawal ang bukol. Tinapalan na ang mga butas sa lumang sistema, at pinatag ang proseso sa ahensya. Isang simpleng halimbawa po nito ang pagtatanggal ng Letter of Intent sa bidding process. Noon po kasi, ginagamit ito bilang kasangkapan sa kuntsabahan—kapag nalaman kung sino-sino ang bidders ng proyekto, binibigyan ng puwang ang sabwatan. Isa pa po: Ang mga dokumentong hinihiling mula sa bidders: lima na lang, mula sa dating 20. Mas mabilis ang proseso, at mas kaunti ang pagkakataong manghingi ng pampadulas o suhol. Ang resulta: Halos 28 bilyong piso ang naisalbang pondo, at napapaaga ang pagpapatupad ng mga susunod na proyekto. [Palakpakan] Kaya naman kay Sec. Babes at sa bumubuo ng DPWH: muli, maraming salamat po sa inyong lahat. [Palakpakan]
Hanep po talaga: Kasabay ng mga natipid ng DPWH, ang nailatag, napapaayos, napalawak, o naipagawa nilang kalsada mula nang maupo tayo, umabot na sa 12,184 kilometro. [Palakpakan] Nung nakita ko po itong numerong ‘to, napag-isip rin ako: Paano ko ba maipapaliwanag ‘yung labindalawang libo? Sabi po sa atin: katumbas ito ng apat na kalsadang nag-uugnay sa Laoag hanggang Zamboanga City. National roads lang po ito; wala pa rito ang mga local farm-to-market roads o tourism roads. [Palakpakan]
Sa Public-Private Partnership program naman po: Mula Disyembre 2011 hanggang nitong Hunyo, nakapag-award at nakalagda na ng pitong PPP projects ang inyong pamahalaan; ang halaga nito: tinatayang 62.6 billion pesos. Sa apat na taon natin sa tuwid na daan, nalampasan na natin ang pinagsamang anim lamang na aprubadong solicited PPP projects mula sa nakaraang tatlong administrasyon. [Palakpakan]
Ang laki na po talaga ng pinagkaiba ng noon sa ngayon. Sabi nga ni Secretary Cesar Purisima: Dati, hindi makaakit ang Pilipinas ng mga mamumuhunan. Noon, gobyerno pa mismo ang nag-aalay ng kaliwa’t kanang insentibo, tulad ng pagbibigay ng commercial development rights, subsidy, at iba pang garantiya. Ngayon, baliktad na ang sitwasyon. Matindi ang kompetisyon ng mga nag-uunahang kompanya; handa silang magbayad para makuha ang pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan natin. Halimbawa po: Sa Mactan-Cebu International Airport Passenger Terminal Building, may premium ang gobyerno na umaabot sa mahigit 14 bilyong piso; sa NAIA Expressway Project Phase 2, nakakuha ang gobyerno ng prima na 11 bilyong piso. Muli: Mabuting pamamahala ang ugat ng lahat ng ito. [Palakpakan]
Tingnan naman natin ang TPLEX. Dahil sa kalsadang ito, maginhawa na ang biyaheng Tarlac hanggang Rosales sa Pangasinan. Ayon po sa kanila, ang bahagi hanggang Urdaneta, makukumpleto na bago matapos ang 2014. Sa susunod na taon, aabot na raw ang daang ito hanggang sa dulo sa Rosario, La Union. [Palakpakan]
Ang mga imprastrukturang matagal nang ipinako sa pangako, atin na rin pong isinasakongkreto. Ang Aluling Bridge, na 1978 pa po binuo ang konsepto, bukas na sa publiko. Ang Metro Manila Skyway Stage 3, na bahagi ng Metro Manila Expressway na proyekto pa noong dekada sitenta, inilunsad na natin noong Enero. Sa mga dumadaan ng Osmeña Highway, nakikita naman po ninyo kung gaano kabilis itayo ang mga haligi para dito. Ang Ternate-Nasugbu Road, na noon pang 1994 sinimulang ilatag ang plano—100 percent complete na rin ngayon. [Palakpakan] Ang Basilan Circumferential Road, na year 2000 pang under construction, malapit na rin pong matapos. Hindi ko na ho sasabihin ‘yung eksaktong petsa baka mausog pa. Pero ‘pag hindi ho natupad, ‘yung ipinangako sa atin ni Governor Hataman, sasamahan ko siya araw-araw hanggang matapos ito.
Ilan lang po ito sa mga imprastrukturang wala tayong planong ipamana bilang problema; sa halip, ngayon, nagsisimula na itong mapakinabangan ng ating mga Boss.
Muli, dahil sa mabuting pamamahala, mas may kakayahan na tayong tugunan, maging ang mga problemang paparating pa lang. Halimbawa: sa tubig. Alam nating habang lumalago ang populasyon at umaangat ang ekonomiya, mas maraming tubig ang kakailanganin sa mga susunod na taon. Ayon nga po sa pag-aaral, maaaring magkaroon ng kakulangan ng tubig sa Metro Manila pagdating ng 2021. Hindi na po natin hihintayin ang tagtuyot: Ang mga solusyong talagang pinag-aralan ng mga dalubhasa, inaprubahan na po natin—ang Kaliwa Dam Project sa Quezon, at ang pag-aayos ng mga linya ng Angat Dam. Magandang solusyon po ito kaysa kumuha ng tubig mula sa mga aquifer sa ilalim ng lupa, na mas madaling pasukan o magbibigay-daan para pasukin ng tubig-alat. Isa pa, kung sa mga aquifer lang tayo nakasalalay, mas mapapabilis ang paglubog ng lupa—na siya namang nagiging dahilan ng pagbaha.
Kasabay po ng mga dam para sa Metro Manila at mga karatig-bayan ang suporta natin sa mga tagalalawigan. Aprubado na rin ang Water District Development Sector Project, sa ilalim ng LWUA o Local Water Utilities Administration. [Palakpakan]
Siguro po, narinig na rin ninyo ang pinakamalaki nating PPP project—ang Laguna Lakeshore Expressway Dike—bubuksan na rin ang bidding bago matapos ang 2014. [Palakpakan] Napakaraming benepisyong maidudulot nito. Una, mababawasan ang pagbaha. Ngayon po, ‘pag pumalo ng 12.5 meters ang taas ng tubig sa lawa, tiyak, babahain na ang mga komunidad sa paligid nito. Ang solusyon: dikeng may taas na higit sa 15 metro. Ikalawa pong pakinabang: Malilinis ang tubig sa Laguna Lake. Ang ikatlo po: Bawas trapik. Sa ibabaw ng dike, magkakaroon ng expressway, na babagtas sa Los Baños hanggang Taguig. ‘Pag natapos ang C-6 road na kokonekta sa San Jose del Monte, may isa na naman tayong paraan upang makatawid ng Kamaynilaan nang hindi na kakailanganing dumaan sa EDSA. [Palakpakan] Sa pakikituwang ngpribadong sektor, ang obligasyon natin dito ay right of way lang; porsyento ng lupang mare-reclaim ang ipapambayad sa mananalong bidder. Dahil dito, makukuha natin ang ating mga pangangailangan, habang mababawasan din ang ating gastusin.
Ilang halimbawa lang po iyan ng mga proyektong nakapila na para magdala ng benepisyo sa ating mga Boss. Marami pang iba: Aprubado na rin ng NEDA Board ang Laoag City Bypass Link Road Project; ang Cebu Bus Rapid Transit Project; at ang LRT Line 1 South Extension and Line 2 East Extension. Sa mga taga-Palawan naman: Maliban sa mga proyekto sa Puerto Princesa Airport, abangan na rin ninyo ang Busuanga Airport. Naka-go signal na rin po ang pagpapatayo ng phase one ng modernong Clark Green City sa Capas, Tarlac, pihado pong magsisilbing sentro ng komersyo at industriya, hindi lang sa Gitnang Luzon, kundi sa kalakhang bansa. [Palakpakan] Sa dulo po, ang ambisyon natin sa Clark Green City—maging di-hamak itong mas malawak na Bonifacio Global City. Ang dating liblib, magiging hitik sa oportunidad.
Sa mabuting pamamahala, nanunumbalik ang tiwala ng merkado, ng mundo, at ng taumbayan sa ating gobyerno. Nagbubunsod ito ng isang siklo: Dahil nakikita ang resulta ng agenda ng reporma, nakikiambag ang bawat isa sa ating mga Boss. Talagang hindi nag-iisa ang gobyerno sa pagsusulong ng malawakan at makabuluhang reporma. Totoo nga po: Kayo ang aming lakas. [Palakpakan]
Kaya nga po, mga Boss: Salamat sa inyong tiwala at pakikiisa, na lalong naging mahalaga sa mga panahong sinalubong tayo ng sunud-sunod na trahedya.
Noong Setyembre 2013, sinugod ng masasamang elemento ang Zamboanga: Ginawang human shield ang mga kababayan nating namumuhay nang mapayapa, at sinunog pa ang kanilang mga tahanan. Nasubukan ang galing ng ating unipormadong hanay. Pinakamasalimuot sa larangan ng bakbakan ang tinatawag na urban combat—ngunit 195 ang nailigtas natin, sa 197 kataong naipit sa putukan. Saludo tayo sa ating mga kapatid sa unipormadong hanay: Nagtagumpay ang sambayanan dahil sa inyong sakripisyo. [Palakpakan]
Inatasan po natin si Secretary Singson na pangasiwaan ang rehabilitasyon ng imprastrukturang nasira sa Zamboanga. Pangunahin sa mga pangangailangan: mabigyan ng tahanan ang mga kababayan nating nasunugan. Ito po mismo ang isinasagawa natin sa ilalim ng Zamboanga City Roadmap to Recovery and Reconstruction. Pagpasok nga po ng Agosto, magsisimula nang lumipat ang mga apektadong pamilya sa mga permanenteng bahay sa Martha Drive Subdivision. Kabuuang 7,176 na kabahayan sa iba’t ibang lugar ang target nating makumpleto sa Hunyo ng susunod na taon. Humihingi po kami ng pang-unawa. Maraming problemang kinailangan munang lutasin ukol sa pagkuha ng lupang lilipatan. Tinitiyak din nating ang mga tahanang ito ay sumasang-ayon sa pangangailangan ng kanilang relihiyon at kultura, kaya’t hindi pangkaraniwan ang mga ito. Sa 1,661 pamilya namang gustong sila mismo ang magkumpuni ng sariling tahanan, 30,000 pisong halaga ng Home Materials Assistance ang ipinapamahagi na.
3.5 billion pesos po ang nakahanda para sa pagpapaayos ng imprastruktura, pagbili ng mga lote, pagpapatayo ng mga permanenteng tahanan, at iba pang suporta sa Zamboanga. 2.57 billion pesos dito, nai-release na sa NHA at DPWH.
Ilang linggo naman po matapos ang krisis sa Zamboanga, niyanig ng lindol ang Central Visayas; pinakamalaki ang pinsala sa Bohol. Dito natin nakita ang maaaring maabot ng sambayanang nagkakaisa sa pagresponde sa sakuna. Isang linggo matapos ang lindol, may kuryente na sa Tagbilaran at sa lahat ng munisipalidad sa Bohol. [Palakpakan]
Ngayon nga po, bawat isa sa 25 na kritikal na tulay at kalsadang nasira ng lindol, nadadaanan na. May kabuuang 3.583 billion pesos nang nai-release para sa rehabilitasyon ng Bohol at Cebu. [Palakpakan] Kasama na rito ang 2.49 billion pesos na ipinagkaloob ng DILG sa lokal na gobyerno, para sa pagpapagawa ng mga palengke, civic center, tulay, water systems, munisipyo at ibang pang istrukturang pampamahalaan.
Bago naman po matapos ang 2013, dumating naman si Yolanda— ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan. 1.47milyongpamilya ang talagang naapektuhan, at 44 sa ating 81 probinsya ang tinamaan. Sa Eastern Visayas, kung saan pinakamalakas ang pinsalang nadulot, napakaraming kinailangan ng agarang lingap.
Sa sobrang lakas ng bagyo, naparalisa ang maraming LGU dahil sila mismo ang tinamaan.Natangay po pati ang ating prepositioned relief goods, kaya’t talagang kinailangang manggaling sa ibang lugar ang tulong. Lalo pang naging mabigat ang pagdadala ng ayuda, dahil bagsak ang imprastruktura: Walang kuryente, hindi madaanan ang kalsada, at halos lahat ng truck at heavy equipment na kailangan ng ating first responders ay nasira sa pinakaapektadong lugar. Wala ring gasolina, at walang komunikasyon.
Kinailangan po talaga ng pambihirang pagkakaisa para ipaabot ang tulong sa mga apektadong pamilya, kalingahin ang mga naulila’t sugatan, siguruhing walang mangyayaring outbreak ng sakit, at marami pang ibang tungkulin. Halimbawa lang po sa pagkain. Hindi lang bigas at de-lata ang kinailangang intindihin: kailangan din ng mga repacking center, ng maraming truck, pati na ng mga barkong magtatawid ng ayuda sa mga apektadong probinsya. Pagdating doon ng relief goods, kailangang malinis na ang kalsadang dadaanan, at mapagasolinahan ang mga truck nang makabalik sila sa pinanggalingan, upang muling makapagkarga ng ating mga food pack.
Hindi nagpatumpik-tumpik sa pagresponde ang inyong gobyerno. Nagmadali tayong linisin unang-una ang airport, kaya sa loob ng 24 oras matapos ang bagyo, nakapasok na ang tatlo nating C130 na may dalang ayuda. Sa mismong araw ding iyon, nakapagtayo tayo ng communications hub para maging mas mabilis ang daloy ng impormasyon. Sa ikalawang araw, dumating na ang Rapid Health Assessment teams ng DOH; ang dagdag na sundalo, pulis, at BFP personnel mula sa ibang probinsya; pati na mga kawani ng DSWD na nanguna sa relief operations— sa distribution centers man sa Eastern Visayas, o sa maraming repacking centers na agad na nagbukas sa buong bansa.
Sa loob lang ng dalawang araw, napagana na ang Leyte water district; sa ikatlong araw naman, bumukas ang unang gasolinahan. Agad na nilinis ang pangunahing mga kalsada. Pagsapit ng ika-22 ng Nobyembre o dalawang linggo matapos ang bagyo, naipamahagi na ang ikaisang milyong food pack sa mga nasalanta; at na-clear na ang 35,162 cubic meters ng debris; at nalinis at nadadaanan na muli ang 3,426 kilometers ng National Roads—kasalukuyan naman po nating kinukumpuni ang 108.8 kilometrong napinsalang daanan, tulay, approaches, at landslide-prone areas. Pagsapit nga po ng Pasko noong lumipas 2013, may kuryente na sa lahat ng munisipalidad na tinamaan ng sakuna. [Palakpakan]
Kumbaga nga po sa Emergency Room, ibinuhos ng estado ang lahat ng kanyang kapangyarihan upang agad na mai-stabilize ang pasyente. Nagpapasalamat tayo sa mga kasapi sa ating Gabinete, na talaga naman pong nanguna sa pagresponde sa mga apektadong komunidad. Sina Sec. Cesar Purisima at Sec. Joel Villanueva ng TESDA, na namuno sa logistics at nag-organisa sa mga repacking center, nagmistulan po silang dalawang warehouse operator. [Palakpakan] Si Sec. Greg Domingo ng DTI, naging head purchasing agent ng bansa, habang si Sec. Linda Baldoz naman ng DOLE ay minabuting maging call center operator para sa lahat ng gusto o nag-aalok ng tulong. [Palakpakan] Salamat din kina Sec. Jun Abaya ng DOTC, na naging dispatcher ng ating transportasyon; kay Sec. Dinky Soliman na talagang pinatunayan ang pagiging punong relief worker ng bansa; at kina Sec. Mar Roxas ng DILG at Sec. Volts Gazmin ng DND, na nagbigay ng marching orders sa ating unipormadong hanay mula sa frontline ng sakuna. [Palakpakan] Muli po, salamat sa ating Gabinete.
To our friends and neighbors around the world: Your outpouring of solidarity will never be forgotten by a grateful Filipino people. Again, on their behalf, we thank you. [Palakpakan]
Marahil nga po, sa kahandaan nating makiambag sa abot ng ating makakaya, na siyang ipinapamalas ng ating OFWs, peacekeepers, at iba pang Pilipino sa labas ng bansa, nang tayo naman ang nangailangan, nakita ng mundong karapat-dapat din tayong tulungan. Salamat sa inyo, at sa lahat ng Pilipinong nag-alay ng dalangin at suporta, dito man o sa ibang panig ng mundo. [Palakpakan]
Hindi po natigil ang trabaho natin. Nagsagawa tayo ng livelihood interventions, upang maging mas mabilis ang pagbangon ng mga nasalanta nating kababayan. Ngayong Hulyo nga po, 221,897 trabaho na ang nalikha matapos tayong magkaloob ng bangka, kagamitan sa pangingisda at pagtatanim, mga binhi, at livestock. Kasama na rin po dito ang mga sinuwelduhan nating naging kabahagi ng cash for work program.
Tanggap naman po siguro ng lahat na malaki ang problemang dala ni Yolanda. Pero ayon nga po sa international standards, kapag nangyari ang ganitong klaseng sakuna, isang taon ang inaabot bago matapos ang relief at mag-umpisa ang rehabilitasyon ng isang bansa. Pero sa loob lang ng walong buwan, idineklara ng United Nations mismo na nasa yugto na tayo ng rehabilitation. Si Ginoong Yuri Afanasiev ng United Nations Development Programme na nga po ang nagsabi: “We have never seen a recovery happen so quickly. And many of us have been in many different disasters.” [Palakpakan]
Mahabang panahon ang bubunuin para tuluyang makabangon sa mabibigat na sakuna. Sa Haiti, dalawang taon ang nakalipas mula ng lindol, marami pa rin ang nasa evacuation centers. Ang mga kapatid natin sa Indonesia, inabot ng walong taon para maka-recover sa tsunami sa Aceh. Mismong sa Amerika nga po, sinasabing walong taon ang inabot para makabalik sa dati matapos humagupit si Hurricane Katrina.
Hindi pa po tapos ang ating trabaho. Marami pang bahay na kailangang ipatayo; marami pang mga kababayan natin ang kailangang ibangong muli; patuloy pa rin ang pag-build back better para sa mga hinagupit ni Yolanda.
Kaya nga po: Ngayong Hulyo, isinumite na sa atin, at nilagdaan na rin natin, ang LGU Rehabilitation and Recovery Plan para sa Cebu, Iloilo, Samar, Eastern Samar, Leyte, at Tacloban City. [Palakpakan] Pumasa po ito sa masusing pagsusuri ng mga cluster ng Gabinete; laman nito ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, ayon na rin sa isinasagawang malawakang post-disaster needs assessment. Nabuo po ang planong ito sa maigting na pagsisikap ni Secretary Ping Lacson, na inatasan nga nating tumutok sa mga hamong iniwan ni Yolanda. [Palakpakan] Umaasa po ako sa pakikiisa ng Kongreso, dahil malaking halaga ang kailangan, upang tuluyan nang maibangon ang ating mga kababayan.
Alalahanin po natin: Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa. Ito rin ang parehong ideya sa likod ng ating mga hakbang para sa disaster preparedness. Binigyang-lakas natin ang mga LGU na siyang mga frontliner tuwing bagyo at ibang sakuna, gamit ang moderno at malawakang forecasting system.
Sa DREAM-LiDAR project sa ilalim ng Project NOAH, halimbawa, napapadali ang pagtukoy kung saan ang mga lugar na pinaka-babahain. Nakamapa na po ang 19 sa target nating 20 river systems para matukoy kung ano ang mga lugar na agad naapektuhan tuwing bumubuhos ang ulan.
Dahil mas eksakto na ang pagtukoy natin kung kailan at saan tatama ang epekto ng bagyo, ngayon po, napapaaga ang paghahanda at pagbibigay-babala ng ating mga LGUs. Maaga na ring naililikas ang kanilang mamamayan. Kung ang maayos na forecasting, tatambalan pa natin ng mahusay na LGU, talaga naman pong maraming buhay ang maililigtas. Sa Albay na hinagupit kamakailan lang ng bagyong Glenda, walang naitalang pumanaw dahil sa bagyo, salamat sa mabuting pamamahala ni Governor Joey Salceda. [Palakpakan] At kung kaya itong gawin ng isang probinsya na siya ngang parang natawag na nga pong highway ng mga bagyo, bakit naman tayo magdududa na kaya ng iba pang hindi highway ng bagyo?
Pag-usapan naman natin ang seguridad. Mulat po tayo sa mga hamon sa bansa, at alam din nating mahal ang kailangan nating mga kagamitan. Ngayon po, ikinalulugod kong iulat sa inyo: Tuloy-tuloy ang modernisasyon ng AFP. Nakuha na natin ang brand new na 8 Sokol Combat Utility Helicopters, tatlong AgustaWestland-109 helicopters, at ang kauna-unahang landing craft utility ship na ginawa dito mismo sa ating bansa, ang BRP Tagbanua. Dumating na rin po ang apat na refurbished UH-1 helicopters at 2 navy cutters. Nito namang nakaraang Mayo, pinasinayaan na rin natin ang state-of-the-art Command Center ng Naval Forces West sa Palawan.
Sa susunod na taon, lalapag na ang 2 sa 12 na FA-50 lead-in fighter trainer jets na binili natin. [Palakpakan] Ang natitira naman po, inaasahan nating maide-deliver bago matapos ang 2017. Target din nating makuha ang karagdagang brand new na 8 Bell combat utility helicopters, 2 anti-submarine helicopters, 10 pang AgustaWestland-109 helicopters, 2 light-lift aircraft, 3 medium-lift aircraft, mga radar system at iba pang kagamitang magpapaunlad sa kakayahan ng ating Sandatahang Lakas. [Palakpakan] Samantala po, sa Setyembre ng taong ito, inaasahan ang pagdating ng karagdagang 17 refurbished UH-1 helicopters.
Dumating na rin ang paunang mga M4 assault rifles na binili natin para sa kasundaluhan. Sa mga susunod na buwan, ang kabuuang bilang ng baril na mapapasakamay ng ating mga kawal: 50,629 units ng M4. Ang bonus pa: dahil sa maayos na proseso ng procurement at tapat na pangangasiwa sa pondo, may savings tayo na mahigit 1.2 billion pesos; itong savings ay ipinambibili na natin ng mas marami pang baril. [Palakpakan]
Ididiin ko lang po: Brand new at de-kalidad ang lahat ng ripleng ito na nagmumula sa manufacturer na daang taon na pong gumagawa ng aramas na ito. ‘Di po ba noong araw: naubos na nga ang pondo, hindi pa alinsunod sa spesipikasyong kailangan natin ang binili nilang Kevlar Helmets. Imbes na sa US, sa ibang bansa sila bumili. May na-convict na po dahil dito. Pati ang isang hukom na diumano’y sangkot dito, natapos na ang imbestigasyong inutos ng Korte Suprema, at hinihintay natin ang kanilang pasya.
Tuloy ang pagtugis natin sa kalaban ng estado at masasamang elemento para sa mga krimeng ginawa nila. Halimbawa nga po: Nahuli na ang Chairman at Secretary General ng NPA nitong Marso. Nanunumbalik na rin po ang normalidad at kaayusan sa 31 probinsyang dating ginambala ng NPA.
Nagbabago na rin nga po ang mukha ng ating kapulisan. Patunay po rito ang 30 pulis, sa pangunguna ni Inspector Charity Galvez, na tumalo sa tinatayang 250 NPA na sumugod sa kanilang presinto noong 2011. [Palakpakan] Nitong Marso naman po, 4 na bagitong pulis ang buong-tapang na sumagupa laban sa Martilyo Gang sa Mall of Asia. Mabuti nga po’t naabot na ang 1:1 police to pistol ratio, kaya’t naisyuhan na rin ng bagong baril ang ating mga rookie policewomen. Dati, nakakaligtaan ang kapulisan; ngayon, kinakalinga na sila ng estado, at talaga namang tinutumbasan nila ito ng wagas at masigasig na serbisyo. [Palakpakan]
Pakinggan po natin ang tinig magigiting nating pulis:
“PO1 Juliet Macababbad: May narinig po kaming, ano, nagbasag ng salamin. Naging alerto kami ng buddy ko.
PO1 Marcelina Bantiyag: Ah ‘yong unang pumasok po ng isip ko ‘yung bumunot na po ako ng baril kasi alam ko na ano po sila—na ready po silang magpaputok sa amin; nakauniporme po kami.
PO1 Maricel Rueco: Sinabi po ng aking ka-buddy na si PO1 Bantiyag na “Ko-cover-an kita, ikaw ang tumawag sa ating PCP [Police Community Precinct]!”
PO1 Marcelina Bantiyag: Meron po kaming nahuli na isang miyembro po nila.
PO1 Delia Langpawen: Pang-apat na araw namin ditong duty—doon mismo sa post na ‘yon. Tapos, biglang ganoon po ang nangyari.
PO1 Juliet Macababbad: Kailangan po talaga may baril ‘yung bawat pulis. Mabuti na lang po, may in-issue po sa amin na Glock 17 Generation 4 po.
PO1 Marcelina Bantiyag: Malaking tulong po ‘yung baril sa amin kasi kapag nagpapatrolya ka may confidence ka na kahit may mangyari puwede kang maki-engage.
PO1 Juliet Macababbad: Masarap po sa pakiramdam ‘yung ikaw ay makatulong sa iyong mga kababayan. Kung ano po ‘yung nagagawa ng mga lalaki, nagagawa din po naming mga babae. [Palakpakan]
PO1 Delia Langpawen: Kahit kinabahan po kami dahil first encounter po namin, ang inisip po namin ay ang kapakanan ng mga tao na nandoon.”
- PO1 Juliet Macababbad, PO1 Marcelina Bantiyag, PO1 Maricel Rueco, and PO1 Delia Langpawen—policewomen who arrested members of the Martilyo Gang
Nito naman pong Hunyo, naging sunod-sunod ang high-profile na pamamaslang. Arestado na ang ilangmga sangkot sa pagpatay kina Mayor Ernesto Balolong, sa negosyanteng si Richard King, at may sinusundan na ring magandang lead ang ating kapulisan sa pagpatay sa race car driver na si Ferdinand Pastor. Huwag po kayong mag-alala: hahabulin natin ang hustisya sa kabuuan, hindi ang bahagi lamang. Kaya bukod sa mga ginawa nating pag-aresto, patuloy tayo sa paglikom ng ebidensya laban sa iba pang suspect. Pananagutin natin ang lahat ng may-sala. [Palakpakan]
Pinapaigting pa natin ang pangangalaga sa seguridad ng taumbayan. Simula ng ika-16 ng Hunyo ngayong taon, ipinatupad natin sa National Capital Region ang Operation Lambat. Matapos nating gawing triple ang dami ng checkpoints at magsagawa ng iba’t ibang operasyon, ang resulta: 862 sasakyan at 29 mga baril ang nakumpiska natin. Nakapag-serve tayo ng 587 warrants of arrest, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 410 suspect. Ibinalik din natin ang Oplan Katok para matiyak na ang may tangan ng lisensyadong baril ay ang karapat-dapat lamang. 28,714 na bahay sa NCR ang kinatok ng mga pulis para sa operasyong ito.
Bago natin ipatupad ang Oplan Lambat, mula Enero hanggang ikalawang linggo ng Hunyo, ang murder at homicide sa National Capital Region, umaabot sa 31 kaso kada linggo. Sa limang linggo pa lang ng operasyon, ang murder at homicide rate: Bumaba sa 22 kaso na lamang kada linggo. 29 porsyentong pagbaba ang naitala—katumbas ng 9 na pagpatay ang napigilan natin kada linggo. At sa NCR pa lang po ito. Kung maisasabatas natin ang pension reform, at makakakalap nga tayo ng sapat na pondo para sa dagdag na pulis at para matuloy ang planong pagbili ng kagamitan, lalong mapapalawak ni Sec. Mar Roxas ang Operation Lambat, upang gawing mas ligtas ang buong bansa. [Palakpakan] Nasa ilalim nga po sana ng DAP ang pondong pangkagamitan, pero dahil hindi ito na-obligate bago bumaba ang desisyon ng Korte Suprema, kailangan po nating maghanap ng pagkukunan ng karagdagang pondo.
Tunay nga po: Tiwala ang pundasyon ng mabuting pamamahala. Tiwalang maaasikaso ang lahat ng tinamaan o tatamaan ng bagyo; tiwalang sa bawat araw ng trabaho, ligtas mong mauuwian ang pamilya mo. Tiwala na hindi kayo lalamangan ng inyong mga pinuno; tiwalang nariyan ang inyong gobyerno, kakampi ninyo, lalo na kung kayo ang nadedehado. Tiwala na mananagot ang mga nang-abuso, at maitatama ang mga proseso at institusyong ginagamit para nakawan kayo. Tiwala na kung sumunod ka sa tama, makukuha mo kung ano ang dapat sa iyo. Ang pagbabalik ng tiwala ninyo: Iyan po ang ibig-sabihin ng reporma. [Palakpakan]
Halimbawa po: Sa Customs, na talaga naman pong sinubok ang ating pasensya noong nakaraang mga taon. Naging malinaw sa atin: Reset button ang solusyon. Bumuo po tayo ng mga bagong tanggapan para suriin at gawing epektibo ang mga patakaran sa Customs. Nagtalaga tayo ng bagong commissioner, anim na bagong deputy commissioner, kasabay na rin ang 40 iba pang maaasahang indibidwal para ipatupad ang ating mga reporma sa Customs. Ibinalik din natin sa tamang posisyon ang mga empleyado. Totohanang ipinagbawal ang mga guwardiyang umaastang kahera, o warehouseman na ginagawang examiner.
Marami nga po ang nagsasakripisyo para ayusin ang Customs. Kabilang dito ang mga kawani mula sa ibang departamento at ahensya ng gobyerno, na hiniling nating lumipat sa Customs dahil tiwala tayo sa kanilang integridad. Sino nga ba naman ang naghahanap ng sakit ng ulo, lalo pa’t walang garantiya ng tagumpay? May mga ipinagpaliban ang kanilang promotion. May mga nagpahiwatig din ng agam-agam dahil sa takot na balikan sila ng mga sindikato. Pero sa huli, tumugon sila sa ating panawagang maglingkod. Marapat lang na personal kong pasalamatan ang lahat ng kawaning ito, sa pangunguna na nga ni Commissioner Sunny Sevilla. [Palakpakan]
Pinapatunayan po natin: Sa paninindigan at pagkakaisa, kayang linisin kahit pa ang isang institusyong napakahabang panahon nang dinungisan ng katiwalian. Patunay po rito ang good news na natanggap natin: Mula Enero hanggang Abril 2014, umangat ng 22 porsyento ang cash collections ng Customs kumpara sa parehong panahon noong nakalipas na taon. Ang kabuuan nilang koleksiyon sa unang apat na buwan ng taon: 117 billion pesos. [Palakpakan]
Ang masasabi ko naman sa mga patuloy na rumaraket: Alam kong hindi na kayo tinatablan ng takot at kahihiyan. Nasa inyo kung makukunsensya kayo—o maaawa kayo sa mga nalululong sa drogang pinapapasok o pinahihintulutan ninyo, o sa mga magsasakang napagkakaitan ng tamang kita. Ang sa akin lang: Kapag sumapat na ang nililikom na ebidensya laban sa inyo, sa Bilibid ang susunod ninyong destino. [Palakpakan]
Kung pag-uusapan natin ang mga repormang nagsisimula nang magbunsod ng malawakang kaunlaran, marapat din pong ibalita ko sa inyo ang mga pangyayari ukol sa repormang agraryo.
Alam naman po natin, at malinaw sa batas: kailangan munang tukuyin ang maaari at hindi maaaring ipamahaging lupain. Pero ang masaklap, ipinamana sa atin ang bungi-bunging datos. Bakit ‘ka niyo? Taong 1913 pa sinimulan ang Cadastral Survey ng ating bansa, na tutukoy ng hangganan ng mga lupaing saklaw ng bawat lungsod, bayan, at lalawigan sa Pilipinas.
Isa pang problema: Inuna ng mga nakaraang administrasyon ang distribusyon ng mga lupaing madaling ipamahagi tulad ng mga government-owned land, at lupaing napagkasunduan na ng may-ari at magsasaka. Ang naiwan sa atin ay mga lupaing maraming kumplikasyon, at ugat pa ng mahabang debate at demandahan.
Dagdag din nga pong suliranin ang masalimuot na sitwasyon sa ARMM. Ang lupa ng ARMM ay tinatayang 1.5 milyong ektarya. Pero ang lupang nakatala na dinatnan natin, nasa 2.9 million hectares dahil sa patung-patong na pag-angkin ng lupa. Nagtataka nga po si Governor Mujiv Hataman ng ARMM at tinanong niya sa akin minsan, “Boss, paano nga po kaya nanganganak ang lupa?”
Wala po tayong balak na ipasa ang mga suliraning ito sa susunod sa atin, para pag-ugatan lang ng panibagong mga problema at ng lalong pagkaudlot ng repormang agraryo.
Sa 2015, makalipas ng 102 taon, matatapos na rin ang Cadastral Survey.[Palakpakan] Ngayong taon,ihahain din nating muli sa Kongreso ang panukalang batas para i-extend ang paghahain ng Notice of Coverage, na hindi agad natapos nang husto dahil nga sa mga problemang kinailangan muna nating solusyonan. [Palakpakan] Oras na maihain ang panukalang batas, umaasa tayong maipapasa ito sa lalong madaling panahon.
Kung tiwala nga po ang pag-uusapan, dapat ding isama ang Bangsamoro. Matapos ang mahabang panahon ng hidwaan at napupurnadang negosasyon, naibalik na natin ang tiwala. Pruweba ponito: Noong nakaraang Marso, nilagdaan na ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. [Palakpakan]
Pero simula pa lang ito ng ating pag-usad sa landas ng malawakang pag-unlad sa Mindanao. Wala pong nakakatangging napag-iwanan ang ARMM. Gusto po nating bigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat ng Pilipino, kaya nga dapat may boost up, para naman maka-catch up ang ating mga kababayang nasa laylayan. Halimbawa, sa budget na imumungkahi natin para sa 2015, 5.17 billion pesos mula sa budget ng DPWH ay nakalaan para sa imprastraktura ng ARMM. [Palakpakan]
Kasalukuyan na po nating pinapanday ang panukalang Bangsamoro Basic Law. Humihingi po tayo ng pang-unawa sa ating Kongreso ukol rito. Mahalaga pong maging masusi ang paghimay natin ng bawat probisyong ilalatag. Sa abot ng ating makakaya, isusulong natin ang isang panukalang batas na makatuwiran, makatarungan, at katanggap-tanggap sa lahat. [Palakpakan]
Kung maisasabatas nga po ang Bangsamoro Basic Law bago matapos ang taon at maisasagawa ang kinakailangang plebesito, mabibigyan ng isa’t kalahating taon ang Bangsamoro Transition Authority para ipakita ang positibong pagbabago. Kung maaantala naman ito, natural pong iikli rin ang panahon para mapatunayan na tama nga ang landas ng kapayapaang tinatahak natin.
Napakarami na nga po nating nararating dahil sa tiwala—at wala tayong balak basagin ang tiwalang ito. Ang gobyerno ninyo ngayon: mayroong isang salita. Hindi ko na po iisa-isahin ang mga natupad nating panata sa tuwid na daan; baka masabihan lang tayong nagbubuhat ng sariling bangko. Pero mahirap din namang hindi tayo magbanggit, dahil malamang nag-aabang na ang mga magsasabing wala tayong ginawa. Kaya samahan niyo na lang akong magbigay ng ilang halimbawa: Trabaho’t pagkakataon para sa napakaraming Pilipino, nalikha at patuloy pang nililikha. Sa katunayan, mula Abril 2013 hanggang Abril 2014: nasa 1.65 million ang nadagdag sa bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho. [Palakpakan] Minanang kakulangan sa aklat, upuan, at silid-aralan, napuno na; habang ang mga panibagong pangangailangan dahil sa K to 12, pinupunuan na rin. 1:1 police-to-pistol ratio, meron na rin po. Modernisasyon ng Sandatahang Lakas, nangyayari na. Pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, sumusulong na. Pag-angat ng ating ekonomiya, tuloy-tuloy pa rin. [Palakpakan]
Sabay-sabay nang natutupad ang ating mga pangarap: kalusugang pangkalahatan, silid-aralan, trabaho, daungan, kalsada, paliparan, kaligtasan, kapayapaan. Ang nabawi nating pambansang dangal, sinamahan pa ng pagkilala ng mundo sa bagong anyo ng Pilipinas. Ang kaban ng bayang mula sa pawis ng mamamayan, ginugugol para lamang sa kanilang kapakanan.
Pakinggan po nating muli ang isa pa sa ating mga Boss:
“Ako po si Gina Lastrado, 47 years old. Galing po ako sa Isla 1 Barangay 180, Maricaban, Pasay City.
Ang trabaho ko po doon sa may pinanggalingan namin sa Pasay, ako po ‘yong businesswoman. Ngayon po, pinagpatuloy ko pa rin, ma’am, ‘yong pagtitinda ko. Kailangan po dito tiyaga. Ni-relocate po kami dahil sa aming lugar po ay nasasabing “danger zone.” Karamihan po kasi nasa tabi ng ilog.
‘Yung Ondoy, grabe po talaga. Sabi ko nga hindi mo aakalain na masasabi mong mabubuhay pa kami.
“Kung ikukumpara ‘yung buhay namin doon sa Pasay saka dito, umulan man, bumagyo kumbaga nakakatulog ka nang mahimbing. Wala kang pangamba na ayan na ang baha, hindi ka nakakatulog, ‘di tulad doon sa pinanggalingan namin. Kaya nga sabi ko doon sa mga kasama ko, sa mga natira pa doon, lumipat na kayo kasi wala na kayong pangamba, wala na tayong baha.”
“Pagdating namin dito binigyan po kami ng grocery, saka binigay sa amin ‘yung susi. Hinatid po kami dito sa bahay namin, at iyon pong eighteen thousand, ‘yun ang panimula ng buhay namin dito. Binigyan niya kami ng dignidad ang lahat ng mga taga-squatter area doon sa lugar namin. Napakaganda ng buhay namin dito rin, ma’am. Masasabi mong amin na talaga ‘tong lugar na’to.” [Palakpakan]
- Gina Lastrado, relocated member of an informal-settler family (ISF)
Ngayon nga po: Ang problemang dinatnan, nasolusyonan. Ang nandiyan, tinutugunan. At ang problemang parating pa lang, pinaghahandaan na rin. Naniniwala ako: Kung mananatili ang inyong tiwala, masosolusyonan natin ang mga ito.
Tingnan po natin ang sitwasyon sa enerhiya. Ginagawa na po natin ang lahat para siguruhing natutugunan ang lumalagong pangangailangan ng bansa. Sa kabila nito, meron pong mga pangyayaring talagang hindi natin inaasahan, na maaaring magbunsod ng problema sa susunod na taon. Halimbawa po: Kailangan nating bunuin ang mga kakulangan dahil sa outages para sa maintenance ng mga lumang planta, ng mga biglaang paghinto ng operasyon dahil sa pagkasira, at ng delay sa implementation o sa pagsasatayo ng mga bagong planta.
Huwag po nating kalimutan, may banta din ng El Niño na makakaapekto sa kapasidad ng mga hydro powerplants, at magpapataas pa ng demand sa kuryente. Kung sa ating mga kabahayan nga, lalakas ang gamit natin ng electric fan o aircon dahil sa init ng panahon, lalo naman po sa mga industriya at negosyo. Hindi ito kasingsimple ng pagpunta sa tindahan at pagsabing, “Pabili nga po ng 600 megawatt generator, at paki-install na rin bukas.”
Ang habol natin: kumpletong paghahanda para hindi tayo maparalisa sakaling mangyari ang worst-case scenario. Dapat, kahit sa susunod na taon pa uusbong ang problema, meron na tayong pinaplanong solusyon para dito. Kaya nga po inatasan ko si Secretary Icot Petilla ng DOE: Makipag-ugnayan ka na sa Joint Congressional Power Commission, sa Energy Regulatory Commission, sa industriya, at ang pinakaimportante, sa mga consumer, upang madagdagan ang kakayahan nating tugunan ang problema sa enerhiya.
Batid ko rin po na apektado ang mga Boss natin sa pabugso-bugsong pagtaas ng presyo ng bigas. Mukhang totoo nga po ang mga ulat: May ilang mga halang ang bitukang hoarder na itinatago lang ang bigas, para kapag tumaas ang presyo, ibebenta nila ang stock para kumita nang di-makatwiran.
Hindi puwede ito. Kung sa tingin nila wais sila, mas mahusay ang ginagawang diskarte ng inyong gobyerno. Ang agarang solusyon: mag-import pa ng bigas, i-supply sa merkado, pababain ang presyo, at panatilihin ito sa risonableng antas, para malugi ang mga nagsasamantala sa Pilipino. [Palakpakan]
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagsimula na tayong mag-import ng 500,000 metriko tonelada para magsilbing ayuda sa supply na pinanipis ng nagdaang mga bagyo. Dumating na lahat ito nitong Marso. Nito ding Pebrero, inaprubahan ng NFA Council ang pag-angkat natin ng karagdagang 800,000 metriko tonelada bilang pagpuno sa ating buffer stock requirement, at 360,750 metric tons na nito ang dumating ngayong Hulyo; pagdating ng Setyembre, makakarating na ang kabuuan. Naaprubahan na rin ngayong Hulyo ang agarang importasyon ng 500,000 metriko tonelada ng bigas sa pamamagitan ng open bidding. May standby authority rin ang NFA na mag-angkat ng karagdagan pang 500,000 metriko tonelada, bilang paghahanda sa magiging epekto ng kalamidad sa ani at sa presyo ng bigas.
Kapag dumating ang karagdagan nating inaangkat, mapupuwersa na ngayong magbenta ang mga hoarder ng bigas na nakatago sa kanilang mga kamalig. Sa mga hoarder na ito: Kung gusto ninyong makipagmatigasan, okay lang, subukan ninyo ang estado. Tandaan lang ninyo: Anim na buwan lang ang itatagal bago mabulok ang stock sa mga warehouse ninyo. Siguradong malulugi kayo kapag nalunod na ang merkado sa dagdag na bigas. Kumikilos kayo kontra sa mga Pilipino; kami naman, isinusulong ang interes ng bawat Pilipino. Tingnan natin kung sino ang mananalo. [Palakpakan]
Bukod po sa pag-iimbestiga sa mga diumano’y nagtago ng NFA rice, sinisiyasat na rin natin ang lahat ng mga puwedeng nagkuntsabahan sa mga ahensya. Iniimbestigahan na ang mga empleyadong pinagdududahan upang makasuhan at mapakulong ang mga may-sala sa lalong madaling panahon.
Sabay ng pagtugis sa mga mapang-abuso, patuloy rin ang mga proyekto natin para alagaan ang mga nasa sektor ng agrikultura. Ginagawa nating kaakit-akit na kabuhayan ang pagtatanim ng palay. Alam naman po natin na tumatanda na ang ating mga magsasaka, kaya malaki ang maitutulong sa food security kung mahihikayat natin ang mga kabataan na pasukin ang ganitong hanapbuhay.
Nagkakaloob po tayo ng mga makabagong kagamitan sa pagsasaka para sa episyenteng pagtatanim at pag-aani. Mula 2011 hanggang Mayo ng 2014, naipamahagi na natin ang kabuuang 4,628 production machineries, 11,362 post-production machineries, at 105 rice mills sa iba’t ibang farmer’s associations. Sa tulong po nito, nabawasan ang nasasayang sa ani ng ating mga magsasaka. Bukod rito, pinapaunlad natin ang mga patubig, nagpapagawa tayo ng farm-to-market roads, at nagsusulong ng training programs upang masagad ang kanilang kita.
Pag-usapan naman po natin ang budget. Ang Ehekutibo, nagmumungkahi ng mga proyekto; inaaprubahan naman ito ng Kongreso. Kailangan nga lang po nating itigil ang ilan, para makasiguradong sumusunod tayosa naging desisyon ng Korte Suprema ukol sa Disbursement Acceleration Program o DAP. Alam ko pong kaisa kayong mga nasa bulwagang ito sa paniniwalang hindi dapat ipagkait ang benepisyo sa ating mamamayan, at dapat nga itong makarating sa kanila sa lalong madaling panahon.
Kaya nga po: Ipinapanukala namin ang pagpasa ng supplemental budget para sa 2014, upang hindi naman maantala ang ating mga programa at proyekto. [Palakpakan] Kasabay po nito, nananawagan din tayo sa pakikiisa ng Kongreso, upang maipasa ang isang Joint Resolution na maglilinaw sa mga depinisyon at kaisipang tila pinagtatalunan pa—at iba pang mga usaping kayo lang sa lehislatura, bilang mga nagsulat ng batas, ang makakapaglinaw. [Palakpakan]
Sa unang araw po ng trabaho matapos ang SONA, ihahain natin sa Kongreso ang panukalang 2.606 trillion pesos na 2015 National Budget. Gaya ng lagi, binuo ito kasama ang mamamayan, gamit ang istratehiyang naglalaan ng pondo kung saan lamang ito tunay na maghahatid ng benepisyo. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng ating mga mambabatas na pagtibayin ito, bilang pangunahing instrumento sa paglikha ng pagkakataon para sa sambayanang Pilipino.
Pakinggan naman po natin ngayon ang isang benepisyaryo ng Alternative Learning System program po ng DepEd.
“Ako po si Maria Cecilla Fruelda.”
“Bale nabalitaan ko po sa mga kasamahan kong taga-Zambales din po, na naririto na sa Rosario, na maganda daw po ang hanapbuhay dito sa Puting Kahoy kaya kami po ay napalipat dito.”
“Prayoridad nga po naming mga tribo ang maghanap ng pagkain kaysa pong pagtuunan ng pansin ang pag-aaral. Sobra pong mahalaga sa akin ang pag-aaral lalo na po’t noong nakapasa ako ng ALS [Alternative Learning System] dahil kung saan ito na po ang naging simula na matupad ko iyong aking pangarap na maging isang titser.”
“Sa tingin ko po, gaganda ang buhay ng mga kabataang Aeta sa amin kapag nakapag-aral. Hindi po ako nakapasok sa ALS kung saan ay ‘di ko po malalaman iyong mga karapatan namin bilang katutubo at hindi rin po namin maipapaglaban ang aming tinatawag na lupaing-ninuno na ngayon po sa awa ng Diyos ay nilalakad na po ng NCIP para matituluhan ang lupa at mai-award na sa amin.”
“‘Pag ako po ay nakatapos ng kursong Edukasyon, gusto ko po makapagturo sa aming komunidad at gusto ko rin pong maipamahagi kung ano man iyong mga nalalaman ko at higit na kaalaman na dapat ibigay sa mga katutubong Aeta.”
“Napakalaki po ng naitulong ng ALS dahil bukod po nga sa ngayon po ako po’y estudyante ng Luansing, kung saan po’y mas lalo pang nakilala iyong aming komunidad. Marami pa po ang tumulong lalo na po iyong mga kabataan namin, kung saan parang sinundan nila ang yapak ko, mas higit na pong marami ang nag-aaral ngayon kaysa dati.” [Palakpakan]
- Maria Cecilla Fruelda, Aeta tribal leader, ALS learner, and college student
Mga kababayan, siya po, at ang marami pang benepisyaryong tulad niya, ang natatabunan sa tuwing umiingay ang orkestra ng negatibismo sa balita. Itong maiingay na ito, sadyang isinasara ang isip at namumuhay sa sariling mundo at realidad. Habang nakikita ang pagbabago sa lipunan, nangyayari na nga ang ating inasahan: lalong dumadalas, lalong umiinit, at lalong tumitindi ang pag-atake nila sa atin. Habang lumilinaw ang benepisyo ng reporma, pahirap nang pahirap ang pag-asang magtagumpay ang panlilinlang nila, kaya’t nagtatanim sila ng duda. Desperado na po sila.
Bakit nga po ba sila galit na galit? Tingnan po natin ang kanilang motibasyon. Para sa mga ginawa nang negosyo ang kanilang posisyon: kung maayos natin ang mga sistema, nawawalan sila ng pagkakataong mansamantala. Natural lang na kontrahin nila tayo. Ito namang mga walang ibang layunin kundi ibagsak ang gobyerno: Puwede lang madagdagan ang kanilang hanay kung maraming nagdurusa, at nawalan ng tiwala sa sistema. Ngayong nakukumpuni na ang sistema at natutugunan ang pagdurusa, nababawasan na ang puwede nilang i-recruit, kaya pakaunti nang pakaunti ang kanilang bilang. Natural lang din na kontrahin nila tayo. Ang pinakamaingay na kumokontra sa atin ay ang ayaw ng transpormasyon, dahil nagsamantala at nakinabang sila sa lumang kalakaran.
Ganito ko nga po naiisip ang ating sitwasyon: Para tayong mga mamamayang matagal na naipit sa isang isla kung saan may nag-iisang tindahan. Dahil walang pagpipilian, nagpapataas sila ng presyo kung kailan nila gusto, at talaga nga naman pong inaabuso tayo. Inatasan po ninyo akong itimon ang bangka ng estado tungo sa kabilang isla, kung saan mas maraming tindahan, mas maraming pagpipilian, mas maayos ang buhay, at mas malawak ang pagkakataon. Siyempre po, ang nagpapatakbo ng tindahan sa ating islang nilisan, ayaw tayong pumalaot, dahil mawawalan sila ng inaabuso. Lahat, gagawin nila para pigilan ang ating pagtawid sa kabilang pampang. Sasabihin nilang: Pareho lang naman doon; wala naman talagang pagbabago doon. Itatali nila tayo sa daungan, bubutasan ang ating bangka, makikipagkuntsabahan para iligaw ang ating biyahe.
Ang totoo po, hindi naman ako ang kinokontra ng mga ito, kundi ang taumbayang nakikinabang sa tuwid na daan. Kontra sila sa magsasaka sa Iloilo, na mahigit limampung taong nangarap ng maayos na irigasyon, at ngayon ay nakikita nang ginagawa ang Jalaur Multi-purpose River Project. [Palakpakan] Kontra sila sa napakaraming estudyanteng hindi na kailangang magsiksikan sa mga classroom. Kontra sila sa nagkatrabaho dahil nasanay ng TESDA; kontra sa mga maagang naililikas sa panahon ng bagyo dahil sa pinahusay na PAGASA; kontra sa mga informal settler na nailayo sa panganib dahil sa programang pabahay; kontra sa mga maralitang libre nang nakakapagpagamot sa pampublikong ospital; kontra sa mga sundalong may modernong kagamitan kaya mas may kumpiyansa nang ipagtanggol ang bayan; kontra sa mga Moro at katutubong abot-tanaw na ang kapayapaan. Mga Boss, kontra po sila sa inyo. [Palakpakan]
Ang totoo po niyan, wala pa tayo sa puwesto, inaatake na tayo. Sanay na tayong sinasalubong ng negatibong komentarista sa almusal, pang-aalipusta sa tanghalian, insulto sa hapunan, at may intriga pa bilang midnight snack. [Tawanan] Ngayon nga pong Pangulo ako, tuloy pa rin ang mga kontra sa pagbabago. Sa tingin ko, maski sa pagbaba ko sa puwesto, hindi pa rin sila titigil.
Naalala ko po ang isang matandang babaeng nakausap ko dati sa kampanya. Ang sabi niya sa akin, “Noy, mag-iingat ka. Marami kang makakabangga.” Totoo ang kanyang babala. Pero buo ang loob kong kaharapin ang mga nakakabanggang ito, dahil alam ko: iilan lamang sila, at di-hamak na napakarami natin. [Palakpakan] Mas malakas po tayong mga handang makisagwan tungo sa pagbabago. Magtatagumpay tayo sa labang ito, dahil tayo ang nasa tama.Nangarap tayo, nagsimula tayo, nagsikap tayo, nakabuwelo tayo, at ngayon, umaarangkada na nga po ang Pilipino. [Palakpakan] Lalong magiging sulit ang pagod at sakripisyo natin kung itong nasimulan natin ay itutuloy po ninyo.
Kayo ang haharap sa sangandaan; kayo ang magpapasya kung magtutuloy ang pagbabago. Tandaan lang po natin, ito ang aking ikalimang SONA; isa na lamang ang natitira. Sa 2016, pipili kayo ng bagong pinuno ng ating bayan. Ang sa akin lang po: Para ipagpatuloy at mas mapabilis pa ang pagbabagong tinatamasa na ng ating lipunan, iisa lang ang batayan sa pagpili ng papalit sa akin: Sino ang wala ni katiting na dudang magpapatuloy sa transpormasyong ating isinakatuparan? [Palakpakan]
Kayo po ang Boss, kayo ang lakas, kayo ang gumagawa ng pagbabago—kaya kayo rin ang magpapatuloy nito. Nasa inyo kung paanong isusulat sa kasaysayan ang mga panahong ito. Maaari itong maalala bilang tuktok ng ating tagumpay, bilang magandang simulaing nasayang lang. Pero mas maganda pong di-hamak kung maalala ang mga nagawa natin bilang simula pa lang ng ating mahabang paglalakbay tungo sa katuparan ng mas matatayog pang pangarap.
Noong minungkahi po ng ilang mga grupo na ako’y tumakbo, ang sabi nila sa akin, hindi namin inaasahan na lutasin mo lahat ng problema ng ating bansa sa loob ng anim na taon. Pero simulan mo na sana.Nakita naman ninyo kung saan tayo nanggaling, at nakita naman ninyong lampas-lampas pa sa ating mga pinangarap noong simula ang tinatamasa natin ngayon.
Pinapanday na natin ang sistema kung saan talagang patas ang laban; kung saan ang sumusunod sa patakaran ay nakakarating sa nais niyang paroonan; kung saan may tunay na kumpetisyong nagbubukal ng pagkakataon at malawakang kaunlaran; kung saan ang lahat ay may kakahayang panghawakan ang sariling kapalaran. [Palakpakan]
Abot-kamay na ang isang lipunang kayang sumalo, umaruga sa mga nasa laylayan; kung saan ang bawat isa ay kumikilala sa kanyang tungkulin sa kapwa at sa bayan; kung saan tuloy-tuloy at walang hanggan ang pakikiambag at sama-samang pag-angat ng sambayanan.
Papalapit na po talaga tayo sa minimithi nating kinabukasan, kung saan naghahari ang katarungan, at tunay pong walang maiiwan.
Ito ang resulta ng reporma, at ito ang ipinaglalaban natin, at patuloy pang ipinaglalaban: Hindi ang pagpapanatili ng nakasanayan, kundi ang pagbabago ng sistema para makinabang ang lahat. [Palakpakan]
Mga Boss: Binigyan ninyo ako ng pagkakataong pamunuan ang transpormasyon. Kung hinindian ko ang hamon na iniharap niyo sa akin, para ko na ring sinabi na tutulong akong pahabain ang inyong pagdurusa, at hindi maaatim ng konsensya ko iyon. Kung tinalikuran ko ang pagkakataon, parang tinalikuran ko na rin ang aking ama’t ina, at ang lahat ng inialay nila para sa atin; hindi po po mangyayari iyon. Sa paghakbang sa tuwid na daan, pinili ninyo ang mabuti at ang tama; tumotoo kayo sa akin—at ako naman ay tumotoo sa inyo. [Palakpakan]
Ang transpormasyong tinatamasa natin ngayon, ay magagawa nating permanente sa gabay ng Panginoon. Hangga’t buo ang ating pananalig at tiwala, at hangga’t nagsisilbi tayong lakas ng isa’t isa, patuloy nating mapapatunayan na, “the Filipino is worth dying for” [Palakpakan], “the Filipino is worth living for,” at idadagdag ko naman po: “The Filipino is definitely worth fighting for.” [Palakpakan]
Alam po ni Vice President, na noong 1987 magkasama kami, may kudeta, na-ambush po tayo doon, at tapos noon eh pangalawang buhay ko na po ito. Hindi natin maiiwasan mag-isip sa mga binubunggo natin, may araw kayang ‘pag sasampa ka sa entablado, may trabaho ring araw–may magtatagumpay bang maglagay ng bomba? Magtatagumpay ba ‘yung mga may maiitim na balak ng atin pong mga katungaling gusto tayong ibalik sa maling kalakaran. At kung dumating nga ang panahong pong iyon, at natapos na po ang ating pangalawang buhay, masasabi ko ho bang, okay na rin? At sasabihin ko po sa inyo, mata sa mata, sa lahat po ng inabot natin, ako po’y masasabi kong kuntento na ako. [Palakpakan]
Kuntento na po ako dahil panatag ang kalooban ko, na kung ako po’y mawala na dito, marami po ang magpapatuloy ng ating tinahak na. Baka iyon lang po talaga ang papel ko–umpisahan ito.
Nandiyan po ang mga taong tulad ni Cardinal Chito Tagle, at Ka Eduardo Manalo, at tulad ni Brother Eddie Villanueva, Father Catalino Arevalo, at Father Jett Villarin, at ni Bishop Jonel Milan, at si Sister Agnes Guillen, and Mae Salvatierra. Sila pong sektor relihiyoso, tuloy, itutuloy nila ang ating pong sinimulan. [Palakpakan]
Meron pong Aris Alip ng CARD na magtutuloy sa kanyang ambag sa pamamagitan ng microfinance. Nandiyan po ang isang Alice Murphy at ang kanyang mga kasamahan sa urban poor associates na talagang tutuluyan ang pangangalaga sa atin pong informal settlers. [Palakpakan]
Nandiyan po ang ating mga sundalo at kapulisan–talagang araw-araw naman pong pinipililt gawin ang tama, tulad ng ating bagong Chief of Staff, ating mga Service Commanders, mga sundalo ng Light Reaction Battalion, at ng JSOG.
Nandiyan rin po, siyempre, hanay niyong pinanggalingan kong mga pulitiko. May duda ba na dadalhin tayo ni Senate President Franklin Drilon at Speaker Belmonte sa tamang landas? [Palakpakan]
Naging pribelehiyo ko rin ho makipagtrabaho at makipagugnayan sa isang governor, Alfredo Maranon ng Negros Occidental [palakpakan]. Hindi ko kapartido, pero palagay ko naman po kasama na niya ako sa fans club sa tama niyang pamamalakad sa Negros.
Mayroon tayong mga umaangat na bagong o mas bata sa akin pulitiko. Ayoko naman ho sabihin na napakaluma ko nang pulitiko sa pagtukoy sa mga mas bata.
Mga taong tulad ni Mayor Jed Mabilog at ni Mayor Len Alonte [palakpakan].
Meron din naman sa sektor, sabihin na nating mga culture tulad nina Noel Cabangon at ni Ogie Alcasid na hindi pansarili lang ang iniintindi. [Palakpakan]
Gabi-gabi po, bago ako matulog, thank you at nakalampas pa ako ng isang araw. Kung, sabi nga noong bata kami, “finish or not finish, pass your paper” eh dumating pa sa akin, palagay ko naman, naramdaman na ninyo kung anong pagbabagong karapatan ng bawat Pilipinong mangyari, at bahala na kayong ituloy ito. [Palakpakan]
Mga Boss, kayo po ang gumawa ng transpormasyong ating tinatamasa. Kayo ang susi ng pagpapatuloy ng lahat ng positibong pagbabagong naabot natin. Buong-buo ang tiwala ko, nasa eksena man ako o wala, tutungo ang Pilipino sa tama niyang kalalagyan.
Kaya, hanggang dito na lang po ako. Magandang hapon sa lahat. Maraming salamat sa inyo. [Palakpakan]