MANILA, Philippines – Libu-libong Pinoy seamen ang nanganganib mawalan ng trabaho kapag natuloy ang nakaambang pagbawi sa certificate of recognition sa Filipino seafarers ng European Maritime Safety Agency (EMSA).
Ayon kay Maximo Mejia Jr., ang bagong administrator ng Maritime Industry Authority (MARINA), epekto ito ng hindi pagkilala ng European Commission sa kredibilidad ng maritime schools sa Pilipinas.
Sa pagtaya ni Mejia, aabot sa 80-libong seafarers ang mawawalan ng trabaho kapag binawi ang certification.
Makakaapekto din umano ito sa world trading dahil karamihan sa mga nagtatrabahong mandaragat sa iba’t ibang shipping vessel ay mga Pilipino.
“We are the leader in the supply of seafarers in the International Trade almost 30%, so 1 out of 3 seafarers sa mundo ay Pilipino.”
Nangako naman si Mejia na gagawin ang lahat upang mapigilan ang nakaambang malawakang lay-off sa mga Filipino seafarer.
Ngayong darating na Oktubre ay magsasagawa ng second-stage audit ang EMSA sa Commission on Higher Education (CHED) at Professional Regulation Commission (PRC).
Ito ay upang matiyak ang kakayahan ng mga Filipino seafarer at kung sila ba ay kwalipikadong lumulan sa European Union (EU) registered vessel.
“Pero two sided coin po iyan,. On the other hand, you’re putting jeopardy then world trade kasi iyong 80,000 Filipino seafarers na yan paano mo papalitan iyan? Kung hindi mo palitan agad yan it takes years to develop qualified seafarers,” paliwanag ni Mejia.
Sa kasalukuyan ay nakikipagtulungan na ang MARINA sa United Filipino Seafarers, isang organisasyon ng Filipino seafarers at ship officers upang mapaghandaan ng husto ang nalalapit na second-stage audit sa bansa. (Aiko Miguel & Ruth Navales, UNTV News)