MANILA, Philippines — Walang katotohanan ang agam-agam ng ilan na makakaapekto sa pagpasa ng ilang priority bills ang pagsasampa sa kamara ng impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Kabataan Partylist Replresentative Terry Ridon, isang paraan lamang ito upang iligaw ang atensyon ng publiko.
“Magkakaibang mga komite ang pupuntahan ng mga yan.”
Ayon sa mambabatas, kung tutuusin kayang ipasa sa maikling panahon ang mga priority bill gaya ng Freedom of Information (FOI) bill, Whistle Blowers Act, at Bangsamoro Basic Law kung gugustuhin ng Pangulo.
“Kung hindi naman yan tinutulugan o inuupuan ng mga kaalyado ng president nitong mga nakaraang buwan napasa na ho yan. In fact pagka mga priority measures napapasa agad in two weeks. Yung supplemental budget napasa yan in two weeks,” saad pa nito.
Umaasa ang mambabatas na hindi uupuan ang naturang reklamo ng justice committee ng Kamara.
Ayon sa rules ng kongreso, oras na makapasa sa first reading ang impeachment complaint, dadalhin na ito sa justice committee upang dinggin at pagbotohan kung may sapat na basehan.
May 60 session days ang justice committee upang talakayin ang reklamo.
Kapag pumasa sa komite, dadalhin ito sa plenaryo at kung makakakuha ng 1/3 vote mula sa mga kongresista ay dadalhin na ito sa Senado na magsisilbing impeachment court.
Subalit sa ngayon ay nasa committee on rules pa ang impeachment complaint upang maikalendaryo para maisalang sa first reading.
“Kahit ma defeat yung impeachment may 2016 naman tayong inaantay. Kung si President Arroyo nga nakulong on the basis of a marginal note dun sa PCSO, marginal note lang yun ha, eto nag apruba siya ng 117 projects pasok yung technical malversation doon,” ani Ridon.
Samantala, idinipensa naman ni Ridon ang ginawang pag walkout ng Makabayan Bloc sa Kamara noong nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino.
Ito ay kaugnay ng planong paimbestigahan sa ethics committee ang walk out na sinasabing kawalang respeto sa SONA.
Paliwanag nito, “Yung ethics kasi to a certain extent may rules doon which the legislators ought to conform to with respect to decorum. I think there is nothing their that prohibits anyone from walking out in fact people go to and fro the plenary session during regular sessions.” (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)