MANILA, Philippines — Posibleng pag-usapan na sa plenaryo sa susunod na linggo ang panukalang batas na magpapalawig sa pagi-issue ng Notice Of Coverage o NOC sa ilalim ng Carper law.
Sa programang Get It Straight with Daniel Razon, sinabi ni House Agrarian Reform Committee Chair Teddy Brawner Baguilat Jr. na kung maisasabatas ay magbibigay ito ng daan upang maipamahagi pa ang natitirang 80,000 ektarya ng lupang sakahan na wala pang NOC.
Ngunit ayon sa mambabatas, kahit ito ay sertipikado na ng palasyo ay nahaharap pa rin sa pagkontra ng kanilang mga kasamahan gaya na lamang ng mga kongresistang kasama sa Visayan block.
Base sa ulat ng Department of Agrarian Reform, nasa Visayas region ang bulto ng lupang sakahan na hindi pa nabibigyan ng NOC.
“Alam naman natin na napakahirap na magpasa ng agrarian reform law,” pahayag ni Rep. Baguilat. “Maraming naglolobby.”
Sinabi rin nitong hindi solid ang suporta sa panukala ng mismong grupo ng mga magsasaka tulad ng Makabayan block.
“Ang kasaysayan kasi ng land reform is , land owners tutol karamihan, yung mga farmers hati, may nagtulak ng carp at naging carper at meron naming nagtutulak, ngayon nga Genuine Agrarian Reform bill.”
Ayon sa mambabatas, dapat ay madaliin na ang pagpapasa ng panukalang batas dahil lalong lumiliit ang panahong itinakda ng pangulo upang matapos ang programa sa kanyang termino.
Abangan ang iba pang detalye sa usapin ng repormang pansakahan sa programang Get It Straight with Daniel Razon evening edition-the Producer’s Cut pagkatapos ng Ito Ang Balita (IAB). (Rey Pelayo, UNTV News)