LAGUNA, Philippines – Maagang pinauwi ang mahigit 3-libong magaaral ng Pulo National High School sa Cabuyao, Laguna nitong umaga ng Miyerkules.
Ito ay dahil sa natagpuang bag sa isang comfort room ng mga lalaki na hinihinalang may lamang bomba.
“Alas-6:30 may isang janitor nagsabi na may nakitang bag. Binuksan ang bag may nakitang wire at cellphone ang bag kaya ang ginawa namin tumawag na kami ng pulis, kinausap namin teacher na wag mag-panic ang mga bata. Kinausap namin na magkakaroon ng drill para walang mag-panic,” pahayag ni Kapitan Armando Amoranto ng naturang barangay.
Mag-aalas-9 na ng umaga nang ideklara ng bomb squad na walang bomba sa loob ng paaralan.
Gayunman, ayon sa Philippine National Police, magsasagawa pa rin sila inspeksyon sa buong paaralan upang makatiyak na wala talagang bomba.
“Napansin nila lalagyan may wiring sinecure natin area tumawag na tayo EOD. Yung mga estudyante nailabas ng walang panic kung alam nilang makakapurwisyo sila iwasan nilang gawin yun, ang mga teacher estudyante naaabala,” saad ni P/Supt. Leonard Luna, hepe ng Cabuyao PNP.
Hinala naman ng presidente ng Parents and Teachers Association, posibleng mga estudyante rin ang may kagagawan ng bomb scare.
“Nung nakaraan may naririnig akong bomb threat wala namang katotohanan nagtaka lamang ako ng sinabi ng aming gwardya may wire, initial namin mga bata kasi may subject tayong electricity baka dun nila natutunan ito naman ay pananakot lang,” saad ni George Belico, PTA President.
Samantala, pinulong naman ng Bomb Squad Unit ang mga guro at nagbigay ng oryentasyon sa mga dapat nilang gawin sakaling maulit ang pangyayari. (Sherwin Culubong / Ruth Navales, UNTV News)