MANILA, Philippines – Nagtipon-tipon sa Korte Suprema ang mga empleyado mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa ipinapataw na buwis sa kanilang mga allowance, bonus at iba pang benepisyo.
Kasabay ito ng paghahain ng petisyon sa Korte Suprema upang kwestiyunin ang BIR Memorandum Order no. 23-2014 na nagtatakda ng panuntunan sa pangongolekta ng naturang buwis.
Kabilang sa naghain ng petisyon ang mga empleyado mula sa 11 ahensiya ng gobyerno na kinabibilangan ng Korte Suprema, Sandiganbayan, Court of Appeals, DTI at MMDA.
Hinihiling ng mga empleyado na maglabas ang korte ng temporary restraining order upang pigilin ang memorandum order na sinimulang ipatupad nitong nakaraang Hulyo.
Para sa mga petitioner, kalabisan na ang 32% na buwis na ibinabawas na sa kanilang benepisyo bago pa man nila ito mapasakamay.
“Palagay namin medyo mali siguro dahil sa pantawid gutom yan, yung mga allowances, bonuses na yun, pagkatapos ita-tax mo. At ito pa, bago matanggap ng kinauukulang beneficiary, kinakaltasan na ng withholding tax iba yun eh,” pahayag ng abogado ng mga petitioner na si dating Senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Hinihiling din ng mga empleyado na ipawalang bisa ang kinukwestiyong mga probisyon ng memorandum order ng BIR.
May pang aabuso umano sa kapangyarihan sa panig ng BIR nang iutos nito na kaltasan ng buwis ang mga benepisyong ibinigay ng gobyerno sa mga empleyado nang tax-free sa matagal nang panahon.
Bukod dito, sinasaklawan din umano ng BIR ang kapangyarihan ng kongreso dahil ginawang krimen ang hindi pagsunod sa mga probisyon ng memorandum order at pinapatawan ito ng multang P50,000 at pagkakakulong ng mula anim na buwan hanggang dalawang taon.
Nais din ng mga petitioner na atasan ng Korte Suprema ang BIR na itaas ang ceiling ng taxable na halaga ng mga benepisyo.
“Meron silang obligasyon na yung P30,000 ceiling dapat itaas yun. 17 years na ang nakalipas wala silang ginagawa dun, so ang ibig sabihin may kaunting negligence din sila sa bagay na yun,” saad pa ni Pimentel.
Ayon sa mga empleyado, matagal na nilang idinadaing ang pagpataw ng BIR ng buwis sa mga kanilang mga allowances at benepisyo na nagiging pandugtong sa kanilang kakarampot na sweldo.
“Hindi namin alam bakit pinag-iinteresan niya pa ang maliliit na empleyado na nagtatrabaho sa mismong gobyerno. Sana naman yung quota ng kanyang buwis, wag naman niya kaming pagkuhanan para maka-qouta siya,” pahayag ni Jojo Guerrero, president ng Judiciary Employees Association. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)