MANILA, Philippines — “Ang batas ho, maliwanag taxable yan. Hindi ho yan tax-free. Kung dati hindi kayo nagbabayad ng buwis, hindi ang may kasalanan ang BIR, kayo ho ang may kasalanan.”
Ito ang pahayag ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares hinggil sa inihaing petisyon nitong Miyerkules sa Korte Suprema ng ilang government employees na kumukwestyon sa buwis na ipinapataw sa kanilang mga allowance, bonus at iba pang benepisyo.
Paliwanag ni Commissioner Henares, kinakailangan lamang na itama ang panuntunan sa pangongolekta ng nasabing buwis upang hindi na maulit ang nangyaring tax liabilities sa hudikatura sa panahon ng panunungkulan ni dating Chief Justice Renato Corona.
“Kami ay nag-iimplement lamang ng batas. Kung dati hindi ninyo ginagawa, hindi ibig sabihin eh tama. Ngayon ang ginagawa natin eh tinatama natin yung hindi nyo ginagawang tama,” ani Henares.
Binigyang diin rin ng komisyoner na hindi ito pag-abuso kundi ipinatutupad lamang ang batas.
Paliwanag ni Henares, 1997 pa nang simulang ipatupad ang nasabing kautusan kung kaya’t wala bagong buwis na ipinapataw ang BIR sa mga empleyado ng gobyerno.
Ngunit pinabulaanan naman ito ng national president ng Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE).
“Nagkakamali si Commissioner Kim Henares kasi yung mga benefits na dating tinatanggap ng mga empleyado ay hindi nga binubuwisan kaya nga umalma nga yung mga empleyado kasi nga may karagdagang buwis sa mga benefits na dati namang hindi binubuwisan,” giit ni COURAGE President Ferdinand Gaite.
Ayon pa kay Gaite, mayroong ilang fringe benefits na dati nang pinapatawan ng buwis, ngunit may ilan ring benepisyo ang mga government employees na hindi binubuwisan.
“Totoo naman na meron talagang benefits na ina-applyan ng buwis.”
“Pero dun sa mga benefits na tinatanggap dati ng mga empleyado sample yung uniform allowance, yung personal additional compensation allowance, yung collective negotiation sabihin na incentives sa mga unions, hindi yun dating binubuwisan,” saad pa nito. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)