MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit apat na trilyong piso ang kinakailangang seed capital upang mapondohan ang pension system ng Philippine National Police (PNP).
Sa pagdiriwang ng ika-113 anibersaryo ng Police Service sa Kampo Krame kaninang umaga, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na isa ito sa iniwang problema ng nakaraang administrasyong Arroyo na pinipilit nilang masolusyunan ngayon.
“Ang sabi po sa atin, mahigit 4 trillion pesos ang kakailanganin para ayusin ang sistemang pampensyon— iyon po ‘yong seed capital. Ibig-sabihin: kahit ibigay pa natin ang buong panukalang 2.6 trillion na budget para sa 2015, kulang pa rin ang pondo para sa isang programa lang — iyon pong pension system. Ganito po kalaki ang problemang iniwan sa atin. Pero determinado tayo; gagawan na natin at ginagawan na natin ng paraan ito para matugunan,” pahayag ng pangulo.
Sa kabila nito ayon sa pangulo, taun-taon ay naglalaan sila ng budget upang mapondohan ang pensyon ng mga unipormadong hanay.
At para sa taong 2015, naglaan ng halos P70 bilyong ang pamahalaan para sa pagbabayad ng pensions.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Aquino na magpapatuloy ang modernisasyon ng PNP kahit wala ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional.
Ayon sa pangulo, gumagawa na sila ng hakbang upang matugunan ang programang ito.
“Huwag kayong mag-alala na ‘di matutupad ang ating plano para sa “shoot, scoot, and communicate,” dahil sa naging desisyon sa DAP. Patuloy tayong gumagawa ng hakbang para masigurong tuloy-tuloy ang inyong modernisasyon.”
Para sa 2015 national budget, naglaan ng 2 billion pesos para sa capability enhancement program ng PNP at 100 million pesos naman para naman sa pagpapagawa ng 18 istasyon ng pulis sa buong bansa. (Nel Maribojoc, UNTV News)