MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang accomplishment sa mga nagdaang taon.
Ito’y kasabay ng ika-113 Police Service anniversary ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima, bagamat marami ang nagagalit dahil nasasagasaan sa ipinatutupad nilang reporma o bagong sistema ay hindi pa rin sila patitinag tungo sa tuwid na daan.
Isa sa tinukoy ng heneral ay ang mahigpit na proseso sa pagkuha at pag-renew ng lisensya ng baril at ang pagpapatupad ng tamang proseso sa pagluluklok ng mga karapat-dapat na opisyales ng PNP.
“Ang ating hangad lamang ay matugunan ang mga problemang matagal na nating hinaharap. Marami ang nahihirapang tanggapin ang mga estratihiyang ipinapatupad natin subalit ito ay para sa ikagaganda ng pambansang pulisya.”
Ipinagmalaki naman nito ang tamang pagre-report ng krimen na siyang daan upang mas matutukan ang lugar na kailangan ng dagdag na pwersa.
Ang 24/7 na checkpoint at dagdag pwersa ng pulis sa lansangan ay kasama sa ibinida ni Purisima, maging ang Oplan Katok at Oplan Bato laban sa mga pulis na nagbebenta ng mga nakukumpiskang droga.
“Today, we may still out numbered but we are certainly never out fought. We continue to win the battle in the streets against crime and lawlessness, we continue to in the hearts and mind of the people that we serve and protect and we continue to thread the straight path amidst the never ending trial and challenges that we face.”
Ayon sa hepe ng PNP, malaking tulong din ang e-subpoena, e-warrant at iba pang bagong sistema ng PNP laban sa kriminalidad.
Pumalo sa 36% ang crime solution efficiency ng PNP na pinakamataas sa buong mundo.
Kaugnay nito, binigyang parangal ang mga tauhan at unit na nagpakita ng magandang halimbawa, pagpapakita ng katapangan at pagta-trabaho ng maayos .
Kabilang dito sina: PNP Dep. Chief for Administration P/DDg. Felipe Rojas at CIDG Chief P/Dir. Benjamin Magalong.
Ginawaran din ng pagkilala ang ilang unit ng PNP gaya ng Anti-Cybercrime group, PNP Crime Lab, CIDG at PNP Region 9 habang may special award din para sa PNP-AIDSOTF, President Roxas Municipal Police Station, Bohol at Abra Police Provincial Office. (Lea Ylagan, UNTV News)