MANILA, Philippines – Sampung natatanging police officers ngayong 2014 ang ginawaran ng parangal ng Philippine National Police (PNP) at Metrobank Foundation dahil sa matapat na pagseserbisyo sa bayan.
Kabilang sa mga ginawaran ng parangal sina Police Senior Superintendent Cedrick Train, Police Senior Superintendent Rogelio Jocson, Police Chief Inspector Bryon Allatog, Police Chief Inspector Reynaldo Arino, PO3 Michael Pontoy, Senior Police Officer 1 Reynaldo Solante, PO2 Arshear Ismael, PO3 Alexander Fazon Jr., SPO1 Rey Sarcon at PO3 Comet Dumangeng.
Dalawa sa mga nabanggit na awardees ang pinuno ng 5th Special Action Battalion na siyang nanguna sa pagbibigay ng seguridad sa mahigit 100-libong pamilya na naapektuhan ng Zamboanga Siege.
Ayon kay Police Deputy Director Leonardo Espina, malaking karangalan ang mabigyan ng ganitong uri ng pagkilala.
“Lahat ng ginagawang kabutihan ng pang araw-araw nating pulis ay hindi naibabandera. This is a good time and a good respect from all criticism para mabigyan naman ng parangal ang lahat ng gumagawa ng kabutihan sa ating kapulisan,” pahayag nito.
Mula sa mahigit isang daang nominado sa buong bansa, pinili ang mga natatanging pulis sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa pangunguna ni Senator Grace Poe at Manila 3rd District Representative Maria Zenaida Angpin katuwang ang Rotary Club of New Manila East, Kabayanihan Foundation at iba pa.
Aminado ang mga hurado na hindi madali ang pagpili sa sampung natatanging pulis ng bansa.
Ang sampung outstanding police officers ay makatatanggap ng P400,000 cash prize at medalya mula sa Metrobank Foundation.
Magiging bahagi din ang mga ito ng cops alumni organization o ang Policemen Responsible for Organizing Training Empowering Community (PROTECT).
Bilang isang awardee, hinikayat din ni PO2 Asheer Ismael ang mga kapwa pulis na maging matapat sa serbisyo.
“Pag-igihan po natin ang pagserbisyo sa bayan buong tapat, pakita natin ang loyalty at dedication sa trabaho upang mapagsilbihan kapwa natin Pilipino,” pahayag ni PO2 Arshear Ismael, isa sa outstanding police awardee.
Kasabay nito, nangako naman ang pamunuan ng PNP na patuloy na magbibigay ng tapat na serbisyo upang labanan ang kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan sa bansa. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)