MANILA, Philippines — Binalaan ng EcoWaste Coalition at iba pang Green groups ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC) sa pag-giit nito sa paggamit sa waste-to-energy incineration.
Humigit kumulang isang daang zero waste advocates mula sa iba’t ibang organisasyon ang nagtungo sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kanina upang ipanawagan sa NSWMC na huwag nang ituloy ang plano nitong waste-to-energy incineration.
Ayon sa mga ito, nilalabag ng incineration ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Ang nasabing batas ay may mandato na siguruhin ang wastong pagkolekta, pagtransport at pagtapon ng solid waste sa pamamagitan ng pagbuo at pag-adopt ng mga environmental practice at hindi kabilang dito ang incineration.
“Yung basura, meron silang gagamitin na tech na gagawing energy kuno yun. Napakamahal. Bakit? Eh, lahat ng kanilang gagamiting pamamaraan ay pagsusunog. Susunugin mo lahat ng dapat ay mai-recycle,” ani EcoWaste Coalition Vice President Sonia Mendoza.
“At ito ay nagco-contribute sa global warming,” dagdag nito.
Ayon kay Mendoza, isasailalim sa glassification, pyrolysis at plasma arc ang basura sa proseso ng incineration, prosesong hindi pinapayagan ng mga environmentalist.
Dagdag pa nito, walang ibang madaling solusyon sa problema sa basura, kundi ang mahigpit na pagpapatupad sa RA 9003.
“Sa ating batas na 9003, nakalagay ang ecological acts. Yung mga sinabi ko kanina, nakakasira sa ating kapaligiran.”
“Ipatupad ang 9003 bago magisip ng kung anu-anong tech. Ito po low cost, local, low tech.”
Sakaling ipipilit ng DENR ang waste-to-energy incineration, lalabanan ito ng Green groups sa tama at legal na paraan.
Ilan sa mga organisasyong kasama sa demonstrasyon kanina ang Freedom From Debt Coalition, Greenpeace Southeast Asia, Mother Earth Foundation, Philippine Earth Justice Center at Zero Waste Philippines. (Bianca Dava, UNTV News)