MANILA, Philippines — Isang malinaw na paglabag sa rules ng House of Representative ang ginawa ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na isapubliko ang recorded audio ng napag-usapan sa isang executive session ng kongreso.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab na siyang nagpatawag ng miting na bago pa lamang sila magsimula nilinaw nya sa mga dumalo na iyon ay isang executive session.
Base sa rules ng kamara, ekslusibo ang anumanag pinag-usapan sa isang executive meeting at hindi maaaring isapubliko.
Kaya hindi ito dapat na isinasapubliko maliban na lamang kung papayag ang mayorya ng mga miyembro ng komite.
“Paano nal ang yung mga witness o source person na pinatawag naming na nagtiwala sa amin na may sinabi doon sa session tapos isasapubliko nalang ng ganun,” saad ni Rep. Isidro Ungab.
Paglilinaw naman ni Tinio, hindi maaaring tawaging executive session ang kanilang ginawang meeting dahil simpleng pag-uusap lamang ng kongreso : Commission on Higher Education (CHED) at Department Of Health (DOH).
Sa pag-uusap na ito umano nabunyag na mayroon pa rin pork barrel sa ilang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Tinio, lahat ng pag-uusapan sa kongreso na may kaugnayan sa interes ng publiko ay dapat na mabatid ng taumbayan.
“Anong kilaman ng CHED scholarship sa executive session? Kaya nila sinabing executive dahil nalaman na ang paguusapan ay may kinalaman sa PDAF.”
Hindi naman palalampasin ni Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe ang isyu.
Nakatakdang maghain ng reklamo sa House Committee on Ethics si Batocabe upang patawan ng kaukulang parusa si Tinio, maging ang empleyado na nag-record ng usapan sa executive session.
“Di tayo papayag na lalabag sa batas ang kahit sino dito sa kongreso, no one is above the law.”
Handa naman si Congressman Tinio na harapin ang reklamo.
“Expected ko na ‘yan dahil sa isiniwalat ko.”
Lahat ng reklamo laban sa mga kongresista ay idinadaan sa House Committee on Ethics.Una ay maaari silang i-repremand o pagsabihan, o di kaya naman ay masuspinde ng hindi lalampas sa 60-araw. Habang maaari rin itong ma-expel o mapatalsik sa kongreso depende sa bigat ng reklamo.
Ipinauubaya naman ng Malacañang sa kamara ang desisyon tungkol sa naging paglabag tinio.
“Mga alegasyon pa rin nakapaloob sa kanilang complaint tungkol sa naganap sa isang pagpupulong ng isang lupon ng kamara at sa aming pananaw, ito ay saklaw ng patakaran ng kamara. Batid ng lahat ayon sa desisyon ng Korte Suprema, ipinagbabawal ang partisipasyon ng mga mambabatas sa pagpapatupad ng budget at yan ang prinsipyong tinututupad ng ehekutibo,” pahayag ni PCOO Secretary Herminio Coloma Jr. (Grace Casin, UNTV News)