Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Petisyon ni Solicitor General Francis Jardeleza, pinadi-dismiss ng JBC

$
0
0

FILE PHOTO : Solicitor General Francis Jardeleza (UNTV News)

MANILA, Philippines — Hiniling ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Korte Suprema na huwag pagbigyan ang petisyon ni Solicitor General Jardeleza na maisama siya sa listahan ng mga kandidato sa pagka-associate justice ng Supreme Court.

Sa kanilang comment sa petisyon ni Jardeleza, sinabi ng JBC na walang basehan at depektibo ang petisyon ng solicitor general.

Ito ay dahil binigyan naman ng sapat na pagkakataon si Jardeleza na sagutin ang pagkwestyon ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kanyang integridad nang ipinatawag ito sa meeting ng konseho noong June 30.

Nanindigan pa ang JBC na tama ang aplikasyon nila ng Section 2 Rule 10 ng JBC rules na ginamit ni Sereno sa pagharang sa nominasyon ni Jardeleza.

Sa naturang panuntunan, kailangang makakuha ng unanimous na boto si Jardeleza mula sa JBC.

Paliwanag ng JBC, hindi binilang ang boto dito ni Sereno.

Gayunpaman ay hindi umano nakuha ni Jardeleza ang boto ng limang natitirang miyembro ng konseho kaya’t hindi ito isinama sa shortlist.

Hindi rin umano tama na nagpetisyon si Jardeleza bilang solicitor general dahil taliwas ito sa kanyang katungkulan.

Bilang abogado ng gobyerno, sinabi ng JBC na trabaho ni Jardeleza na idepensa ang kanilang konseho laban sa sarili niyang petisyon.

Iginiit pa ng JBC na mali ang paghingi ni Jardeleza ng certiorari at mandamus sa Korte Suprema dahil hindi naman quasi-judicial function at hindi rin ministerial ang kanilang trabaho sa pagpili ng mga kandidato.

Una namang kinampihan ng Malakanyang si Jardeleza at hiniling na isama ito sa shortlist.

Mayroon na lamang nalalabing pitong araw si Pangulong Aquino upang magtalaga ng susunod na mahistrado ng Korte Suprema. Nabakante ang pwesto sa pagreretiro ni Associate Justice Roberto Abad noong May 22 at kailangang mapunan ito hanggang sa August 20. (Roderic Mendoza, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481