PASAY CITY, Philippines — Mahigit sa sampu ang nasugatan matapos madiskaril ang isang tren ng Metro Rail Transit o MRT 3 nitong hapon ng Miyerkules sa may Taft Avenue Station.
Ayon kay LRTA Spokesman Atty. Hernando Cabrera kumalas ang isang bagon sa tren habang nagsasagawang railway coupling kung kaya bumangga ito sa barrier ng MRT.
“Ang problema nang tinutulak na niya, in the process, kumalas ang coupling yung pagdugtong nilang dalawa. So umusad na yung isang tinutulak na tren. Yung tinutulak niyang tren na may lamang pasahero, kumalas. So lumakad na siyang magisa parang nag-freewheeling siya hanggang sa tumama na siya sa dulo ng Taft Station,” anang tagapagsalita ng LRTA.
Tinamaan rin nito ang isang poste ng ilaw nabumagsak naman sa isang sports utility vehicle.
Sa ngayon ay ginagamot na sa ospital ang mga sugatan na sakay ng tren at ilang pedestrian.
Pahabol ni Cabrera, “Yung report parang nasa 12 na tao ang nag-sustain ng injuries yung pinakamalala yata is something na dislocated yung shoulder niya.” (UNTV News)