DAVAO, Philippines — Nais dalhin sa Kongreso ng isa sa mga kaanak ng biktima ng Maguindanao massacre ang kinakaharap na kontrobersiya ngayon ng ilang state prosecutor umano’y sangkot sa suhulan.
Sa susunod na linggo magpapasa ng resolusyon sa Kongreso si Maguindanao 2nd district Representative Zajid Mangudadatu upang hilingin sa House Committee on Justice na imbestigahan ang isyu ng pagtanggap umano ng suhol ng ilang state prosecutor ng Department of Justice na humahawak sa kaso ng Maguindanao massacre mula sa Pamilya Ampatuan na prime suspects sa krimen.
Ayon kay Congressman Mangudadatu, nakababahala na ang palala ng palalang isyu ng suhulan sa kaso kaya’t mahalagang maimbestigahan na ng Kongreso upang mabigyang linaw ang mga lumalabas na kontrobersiya.
Isa rin sa nais paimbestigahan ng mambabatas ang naging desisyon ng mga state prosecutor na itigil na ang pagpepresenta ng mga ebidensiya at witnesses gayung marami pang dapat na maisalang sa witness stand na maaring magdiin pa sa mga akusado.
Tiwala rin itong malaki ang posibilidad na imbestigahan ng House Committee on Justice. (LOUEL REQUILMAN / UNTV News)