DAVAO CITY, Philippines — Nananawagan ang Mindanao Development Authority sa mga mamamayan sa Mindanao na makiisa sa malawakang tree planting activity sa September 26.
Target ng Mindanao Development Authority na makapagtanim ng 4.6 million na puno sa 228 sites sa 6 regions sa Mindanao sa ilalim ng proyektong Treevolution.
Layunin din ng tree planting activity na makapagtala ng Guinness World Record na may pinakamaraming naitanim na puno sa loob ng isang oras.
Hawak sa kasalukuyan ng bansang India ang world record na nagtanim ng isang milyong puno sa loob ng isang oras.
Ayon kay Mindanao Development Authority Chairman Luwalhati Antonino sa Setyembre 26 nakatakda ang tree planting activity na ang pangunahing layunin ay labanan ang epekto ng climate change.
Katuwang din ng Mindanao Development Authority ang Department of Environment and Natural Resources, mga provincial at municipal government maging ang mga PENRO o Provincial Environment and Natural Resources Office at CENRO o Community Environment and Natural Resources Office sa buong Mindanao.
Tiwala si Secretary Antonino na sa tulong at pakikiisa ng lahat ng mga local government unit ng Mindanao ay maisasakatuparan ang kanilang layunin kabilang na ang makapagtala ng bagong world record.
“With the help of the LGUs, we have asked them to atleast plant 2,500 trees per municipality but others are saying they can do it easily and even exceeds the 2,500 and that’s for LGUs,” ani MINDA Sec. Luwalhati Antonino.
Sa mga interesadong makiisa sa Treevolution, maari kayong makipag-ugnayan sa lahat ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources sa buong Mindanao o kaya ay i-add ang Facebook account na www.facebook.com/mindanaotreevolution para sa karagdagang guidelines.
Una ng nagsagawa ng simulation tree planting activity ang MINDA at DENR sa paligid ng Davao International Airport. (LOUELL REQUILMAN / UNTV News)