MANILA, Philippines — Isa sa kada isandaang Pilipino na may ATM card ay nananakawan ng pera o nabibiktima ng ATM fraud ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas (BSP).
May nahuhuli man na gumagawa nito, agad ding nakakapagpiyansa at nakakalaya dahil kulang sa ngipin ang batas ukol dito.
Ayon sa Bank Security Management Association (BSMA), kaya dumarami ang mga gumagawa nito ay dahil mababa ang piyansa at magaan lamang ang parusa.
Mula noong isang taon, dalawa pa lamang ang nakulong kaugnay ng ATM fraud.
“Its too easy or low for the perpetuator could easily post bail bond then they were able to escape the trial,” pahayag ni Eugene Chua, President ng Bank Security Management Association.
Ayon naman sa PNP-Anti Cybercrime Division, kabisado ng mga “fraudster” ang scheme sa pagnanakaw ng pera sa ATM. Gaya ng paglalagay ng mini camera sa pin card cover ng ATM upang makopya ang pin code ng card.
Base sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na karamihan sa mga gumagawa nito ay may contact o konektado sa bangko.
Dahil dito madaling naisasagawa ng mga fraudster ang paglalagay ng device sa mga ATM upang makapambiktima.
“They trying to penetrate yung mga employees ng bank, offered money kasi when they steal data base of bank malaking pera yan na makapagnakaw ka ng data base,” paliwanag ni PNP Anti Cyber Crime Division, PS/Supt. Gilbert Sosa.
Kaalinsabay nito ay pinagiingat na rin ng mga otoridad ang publiko upang hindi mabiktima ng ATM fraud.
Payo ng PNP, kung kayo ay magwi-withdraw sa ATM, tiyaking hindi umuuga o gumagalaw ang pin pad, card slot at cash dispenser dahil maaaring tampered na ito.
Kapain din ang pin pad cover dahil kadalasang doon inilalagay ang camera para makopya ang pin. Huwag ring magwi-withdraw sa madilim na lugar lalo na sa mga alanganing oras.
Payo pa ng mga otoridad, kung maaari ay dalasan o palaging magpalit ng pin.
“I-chek ang card slot kung gumagalaw kasi temporary po yan kinakabit at kinukuha afterwards,” ani Edwin Ermita ng Bank Security Management Association.
Dahil dito desidido ang House Committee on Bank and Financial Intermediaries na amyendahan ang kasalukuyang batas laban sa ATM fraud para itaas ang parusa sa 6 na taong pagkakakulong.
Maging ang multa ay itataas din at nakatakda nila itong pagusapan oras na makakuha ng dagdag na impormasyon mula sa mga pinuno ng mga banko sa bansa.
Ayon kay Rep. Sonny Collantes, Chairman ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries, “Let me just assure the public that as far as the rural bankers are concern there are a thousand of them in present almost non-existent of ATM fraud.”
Samantala, isa sa tinitingnan ngayon ng BSP ay mapalitan ang EMV chip ng mga ATM bago ang 2017 upang hindi na ito madaling ma-tampered.
Ang kasalukuyang magnetic strip na ginagamit sa mga atm ay madali nang kopyahin ng mga masasamang loob.
Gayunpaman, isinasaalang-alang din aniya ng mga bangko ang malaking halagang gagastusin sa pagpapalit ng mga bagong makina ng automated teller machine o automatic teller machine (ATM). (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)