MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad ng Department of Health (DOH) ang nationwide healthy lifestyle movement na may temang “Pilipinas Go for Health”.
Layon nito na mapigilan ang paglaganap ng non-communicable diseases sa bansa gaya ng sakit sa puso, sakit sa baga, cancer at diabetes.
“Hindi nabibigyan noon ng atensyon itong so called lifestyle diseases and yet ina-analyze mo ng husto the top 4 causes of death among Filipino are ito heart disease, non communicable diseases,” pahayag ni DOH Sec. Enrique Ona.
Ayon sa DOH, pangunahing dahilan ng mga sakit na ito ay kawalan ng regular na ehersisyo, improper diet, sobrang pag-inom ng alak at paninigarilyo.
Sa tala ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), pito lamang sa 100 Filipino adults ang nag-eehersisyo ng 3 hangang 4 na beses kada linggo.
Ang kampanyang Go4Health ay tututok sa 4 key health habits gaya ng (1) Go Sigla – mamuhay ng aktibo, (2) Go Sustansya – kumain nang wasto, (3) Go Smoke-free – huwag manigarilyo at (4) Go Slow sa Tagay – umiwas sa alak.
Bilang bahagi naman ng kanilang programa, nagsagawa ang DOH ng isang flash mob sa Binondo, Manila na pinangunahan ni Assistant Secretary Enrique Tayag. (Jerick Mojica & Ruth Navales, UNTV News)