MANILA, Philippines – Patuloy pa rin ang isinasagawang repatriation ng pamahalaan sa mga Pilipinong nasa Libya.
Ngunit ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), hindi na ito gaya ng ginawang paglilikas sa pinakahuling batch ng OFW na isinakay muna ito sa barko mula sa Libya hanggang Malta saka isinakay ng eroplano pauwi ng bansa.
Sa pagkakataong ito, dadaan na lamang ang mga OFW sa boarder at isasakay sa eroplano sa Tunisia.
Sa tala ng DFA, bagama’t halos tatlong libo na ang kanilang nailikas ay may nalalabi pang halos sampung libo sa Libya.
“We will be using land boarder exit to get them out of Libya to Tunisia and from Tunisia we will be flying them back to Philippines,” saad ni DFA Spokesperson Asec. Charles Jose.
Bukod sa Tunisia, pumayag din ang gobyerno ng Egypt na dumaan sa border nito ang mga Pilipinong ililikas mula sa Libya.
Samantala, iniimbestigahan na ng gobyerno ng Malta ang pagkawala ng isang OFW na si Rodrigo Andres na sana’y kasama sa mga ililikas.
Ani Jose, “The Maltese authorities are investigating the case of Rodrigo Andres, the OFW evacuated from Libya, who failed to board the second chartered flight from Malta last August 16. The Philippine government is extending its full cooperation in the investigation until its final resolution.” (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)