Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pinaghahanap na estudyante ng BSU na nalunod sa San Miguel Bulacan, natagpuan na

$
0
0

Natagpuan na ang bangkay ni Maiko Eleva Bartolome kahapon ng umaga, Huwebes, ang nalalabing estudyante ng Bulacan State University na hinahanap matapos na tangayin ng malakas na agos ng Sibul river sa San Miguel, Bulacan noong Martes (UNTV News)

MANILA, Philippines – Umakyat na sa pito ang kumpirmadong patay sa nangyaring trahedya sa field trip ng mga estudyante ng Bulacan State University sa San Miguel, Bulacan noong nakaraang Martes.

Ala-7:40 ng umaga kahapon, Huwebes, nang marecover ng mga otoridad ang bangkay ng estudyanteng si Maiko Eleva Bartolome, 25 anyos.

Ang bangkay ni Maiko ang pinakahuli sa pinaghahanap na nakasama sa trahedya.

Papauwi na sana ang mga estudyante galing sa field trip sa Mallub Cave at kasalukuyang tumatawid sa ilog ng Sibul, San Miguel Bulacan, nang biglang lumakas ang agos at tumaas ang tubig sa ilog na nagmula sa bundok Manalmon.

Kasama si Maiko sa pitong estudyante na tinangay ng malakas na agos sa ilog.

Kinilala ang bangkay ng anim pang estudyante na sina Helena Marcelo, Michelle Ann Bonzo, Sean Rodney Alejo, Mikhail Alcantara, Jeanete Rivera, Madel Navarro at pam-pito si Maiko Eleva Bartolome.

Dalawa naman ang nanatili pa ring nagpapagaling sa Bulacan Medical Center na kinilalang sina Thea Hernandez, at Mary Danielle Cunanan.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng BSU sa lahat ng mga naulila ng mga nasawing estudyante.

Samantala, pinaratangan naman ng ama ng isa sa mga biktima ang pamunuan ng unibersidad na may pagkukulang sa isinagawang field trip.

“Tatlo lang ang teacher, 45 ang laman ng isang bus,180 ang estudyante, 3 ang tour guide, 1 is to 30 ang equivalent, dapat na check nila ng maaayos, wala naman akong laban sa BSU dahil dyan nagaral ang kapatid ko,” pahayag ni Harold Marcelo, ama ni Helena Marcelo.

“Alam naman nilang tourist spot yung lugar at alam naman nilang madaming namatay na noon sa lugar na yun wala man lang mga pulis at rescue,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Mariano De Jesus, presidente ng Bulacan State University, bumuo na sila ng komite na mag-iimbestiga sa nangyaring trahedya.

Bukod pa rito ang komite na mag-aasikaso sa lahat ng tulong na ipagkakaloob sa mga magulang ng biktima.

“In this horrible time, BSU is offering immediate assistance to the fullest to the bereaved families. The university humble best efforts, full support expenses ang ibibigay ng paaralan. In response to this event, a crisis committee was created conduct a thorough and impartial investigation into the circumstances of the tragedy and will take decisive and appropriate measure for that.”

Kahapon, personal na pinuntahan ng presidente ng BSU ang burol ng mga nasawing estudyante.

Nauna rito ay ipinagbawal na ng pamunuan ng unibersidad ang pagsasagawa ng field trip.

Ipinagbawal na rin ni Bulacan Governor Wilhelmino Sy Alvarado ang maligo sa ilog na pinangyarihan ng trahedya. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481