MANILA, Philippines — Dinala na sa Singapore ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang black box at flight data recorder ng Cebu Pacific Airbus 320 plane na sumadsad sa Davao International Airport noong nakaraang linggo.
Ayon kay CAAP deputy director-general at acting spokesman Rodante Joya, susuriin ng mga eksperto doon ang naturang data recorder upang malaman ang posibleng dahilan ng insidente.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak kung kailan matatapos ang imbestigasyon dahil nakadepende aniya ito sa proseso at sa dami ng mga nakapilang flight recorder na kailangang suriin sa Singapore.
Tiniyak naman ng CAAP na may mananagot sa insidente.
Kapag napatunayang lumabag ang airline company sa allowable flying hours ay isasailalim nila ito sa heightened flying surveillance.
Agad din umanong tatanggalan ng lisensya ang piloto ng sumadsad na eroplano kapag napatunayang lango ito sa alak o iligal na droga nang magpalipad ng eroplano.
Sa ngayon ay suspendido na ang mga piloto ng naturang eroplano na sina Capt. Antonio Roel Oropesa at First Officer Edwin Perello. (UNTV News)