MANILA, Philippines – Naniniwala ang Malakanyang na suportado pa rin ng maraming bilang ng mga mamamayan si Pangulong Benigno Aquino III sa kabila ng isinagawang kilos protesta kahapon ng Scrap Pork Barrel Movement na nagsusulong na tanggalin ang pork barrel at charter change.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr., marami pa rin ang naniniwala sa repormang inilalatag ni Pangulong Aquino.
“Sa aming constant monitoring of the public pulse ay malaki naman ang kalamangan ng sumusuporta sa pangulo lalo na ng pagkatapos paghahayag niya ng kaniyang ikaapat na SONA, pagpapaliwanag sa iba’t ibang isyu na kinakaharap ng bansa.
Hindi naman nagkomentaryo pa ang Malakanyang sa bilang ng mga taong nakilahok sa protesta na mas kakaunti kaysa sa naunang Million People March.
“Meron din kasing expression kasi anu diba voting with their feet na siguro kung sapat na paniniwala o paninindigan they will vote with their feet dadalhin nila ang sarili nila dun katulad ng ginawa ng mas maraming bilang noong nakaraang taon,” pahayag pa ni Coloma.
Sa kabila nito, ayon sa kalihim, patuloy pa rin silang nakikinig sa boses ng kanilang mga boss. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)