MANILA, Philippines — Itinanggi ng dating deputy administrator ng National Food Authority Attorney Dennis Guerrero ang akusasyon ni Secretary Francis Pangilinan kaugnay ng umano’y anomalya sa importasyon ng bigas.
Ayon kay Guerrero, dumaan sa tamang processo ang mga ginawang importasyon ng bigas sa panunungkulan ng noon ay dating NFA administrator na si Oland Calayag.
Partikular na tinukoy ng abogado ang pagpasok ng Avega Brothers para sa cargo handling ng bahagi ng inangkat na bigas nitong April 2014 na umaabot sa 205,000 metric tons.
“Ang sinasabi kasi niya, binago daw namin yung rules noong April at yung sumunod na 2 pang importation at ang implication nila is binago namin para mapaboran yung Avega Bros., but hindi namin ginawa yun. Actually naglagay pa nga kami ng accreditation process para mas mahigpit,” paliwanag nito.
Ayon pa kay Guerrero, bahagi ng kontrata sa importasyon ng kompanyang Viena II at NFA ang pagbibyahe ng produkto hanggang sa warehouse ng NFA.
“The contract for cargo handling in an integral part of the contract between the Viena II and NFA. So it is not required to be undertaken under the requirements of 9184.”
Ikinagulat ni Guerrero nang mabalitaang pinaiimbestigahan na sila ni Pangilinan kasama ang dating NFA administrator.
“Ang nakikita ko lang dito, may posibilidad kasi na may nakapasok doon sa grupo ni Sec. Kiko kaya name-mislead si Sec. Kiko.”
Sa kasalukuyan, si Calayag ay Assistant Secretary for Planning sa Department of Agriculture.
Hinala ni Guerrero, si Secretary Alcala ang talagang puntirya ng demolition job ng mga taong kanilang nasagasaan noon sa NFA.
“Pero nagkaroon ng resulta yan and by October nandoon na yung senate investigation tapos bumangon na yung bagong team ng customs tapos naghold na sila ng containers ng bigas so siguro meron talaga kaming nasagasaan,” saad pa nito.
Sa ngayon ay nagsumite ng leave of absence ang abugado subalit hindi pa nito tiyak kung tatanggapin ito ng kalihim. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)