QUEZON CITY, Philippines – Humingi ng tulong sa UNTV ang 15-anyos na si “Totoy”, di tunay na pangalan upang makauwi sa kanyang lola sa Calbayog City, Samar.
Ayon sa kwento ng binatilyo, nagpunta siya sa Antipolo Rizal upang mamasukan bilang tagapag-alaga ng baboy at manok subalit isang taon na ay wala pa rin siyang natatanggap na suweldo.
Isang beses sa isang araw lang din umano siya pinapakain ng kanyang amo na kinilala lamang niya sa pangalang “Gaga”.
Bukod dito, bigla rin umanong ibinenta ng kanyang amo ang lahat ng alagang hayop at hindi na siya binalikan.
“Gusto ko po makuha ang pera ko kasi pinaghirapan ko po yun eh,” pahayag ni Totoy.
Agad namang dinala ng UNTV sa istasyon ng pulis ang binatilyo upang i-report ang nangyari.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Department of Social Worker and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) si Totoy habang inaayos ang pagpapauwi sa kaniya sa Samar. (Benedict Galazan & Ruth Navales, UNTV News)