MANILA, Philippines — Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan para makamit ang target na zero casualty sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.
Sinabi ni DILG Secretary Mar Roxas, mahalagang malaman ng mga residente sa bawat barangay ang mga dapat gawin at lugar na dapat puntahan tuwing may kalamidad.
“Para malaman nila saan sila lilikas, so yung mga palatandaan na dapat antayin bago sila lumikas, ano yung mga crisis areas at vulnerable sa pagtaas ng tubig.”
Ngayong araw ay pinulong na ni Roxas ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa isasagawang mga training at flood drill sa mga barangay.
Ayon sa kalihim, mahigpit nilang tinututukan ang may 60 libong pamilya na nakatira malapit sa mga water ways sa ibat-ibang lugar sa Metro Manila, kabilang ang Parañaque, Taguig, Pasig, Pasay, Maynila, Malabon, Valenzuela at Makati.
“Ipinamahagi din natin sa kanila itong mga plano na ito, ang bawat komunidad ay magkakaroon ng plano na ito at malalaman nila na batay sa pagbagsak ng ulan sa QC, Rizal at Montalban batay sa DOST-Project Noah ay malalaman nila kung ilang talampakan, tuhod, hita ang pagtaas ng tubig mula sa baba hanggang sa kinalalagyan nila,” ani Roxas.
Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang pag-relocate sa mga residenteng malapit sa mga water way para sa kanilang kaligtasan. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)